
“Revenge to the man has to be so severe that his vengeance need not to be feared.” – Machiavelli
ILANG ARAW nalang at tayo ay nasa ika-limang buwan na ng taong 2025. Halos nasa kalagitnaan na tayo ng kasalukuyang taon.
Sa mga taong maraming plano sa buhay, may hinahabol na project deadline, o umaasa sa mga pangako ng iba, parang napakabilis ng pag-usad ng mga araw. Nakakapagod habulin. Hindi maabot-abot kahit anong bilis ng ating takbo.
Sa mga tamad at patapon naman ang buhay, ang panahon ay isang magnanakaw. Sa iba, deadline nalang ang bumubuhay sa kanila. At sa mga umasa sa mga pangakong ipatutupad kapalit ang kanilang suporta sa eleksiyon, nabudol lang pala. (At parang magpapabudol pa ulit).
Saan ba napupunta ang mga di-nagamit nating mga paniniwala? Na kaya nating higitan ang mga nagawa na natin noon? Na makahahanap tayo ng paraan para tumaas ang ating suweldo? Na ating mabibigyan ng sapat na atensiyon ang pag-alaga sa sarili? Na kaya nating baguhin o palitan ang nakagisnang mga gawain na hindi nakatutulong sa sarili at sa lipunan? Na kung naging marupok tayo noon, kakayanin na natin ngayon?
Kapangyarihan ng pera (Money can generate self-confidence.)
Lumalabas ng bahay at nakapupunta kahit saan. Umoorder ng makakain o maiinom na hindi tinitingnan ang presyo ng mga ito. Kayang mang-libre kung nanaisin. Kayang mag-donate kung gugustuhin.
Mababalotan ang sarili at kayang gawing personal challenge of creativity ang pag-OOTD. Ilang relo ba dapat? Gaano karaming sapatos? Anong mga kulay at disenyo ang karapat-dapat na pang-itaas at pang-ibaba? Nababagay ba ang mga bagay-bagay na isinusuot? Kung hindi, walang problema. Dahil kaya niyang palitan. Kaya niyang pagandahin. Kaya niyang pagbutihin. Dahil may pera siyang kayang bilhin anuman ang gusto niya.
Sa pananamit, mapapatingkad niya ang kaniyang katauhan. Heto ako. Tingnan ninyo. Magugustuhan niya ang kaniyang repleksiyon sa salamin. Maaantig ang iba. Magagandahan ang nakararami. Maiinggit ang mga kaaway pati na ang mga traydor na mga kaibigan.
At kung siya ay mahuhubaran, hindi rin niya ikahihiya ang hugis ng kaniyang katawan. Dahil nagwo-workout at nagda-diet siya. Kung susuriin, ang hubad na katawan ang kaniyang natatanging pinakamarangyang maipagmamalaki. Maalindog na debuho na nakapupukaw sa damdaming makamundo, makatao, at makahayop na atraksiyon. Kinakatawan niya ng buong husay ang sariling pangangatawan.
Dahil may laman ang kaniyang wallet, dito niya hinuhugot ang kaniyang pag-asa. Dahil sa pera, siya ay may disiplina. Ang mga planong kaniyang isinulat, ay kaniyang naipatutupad. Kaya niyang bumuo ng pundasyon. Kaya niyang gibain ang nakaraan. Pinakamamahal niya ang bilib sa kaniyang sarili. Dahil sa pera, pinagyaman din niya ang kaniyang isipan.
Oportunistang inspirasyon (Daily hard work as payback time.)
Tinatamad ang iba, mabuti. Puro reklamo ang mundo, mas nakabubuti. Nakalimot ang mga kinauukulan, pinakamabuti.
Delikado ang taong tahimik na nagtatrabaho lang buong linggo. Itinututring niya ang kaniyang trabaho na parang gantimpala sa lotto. Araw-araw siyang nananalo. Tinatangkilik niya ang pansariling kakayahan bilang isang serbisyong publiko. Maaalarma ka sa ganito niyang paniniwala. The more selfish he/she gets, the more useful he/she is to others. Pinaplano niya ang kaniyang trabaho. Inaangkin niya ang kaniyang mga gawain. Kung tutuusin, tinatrabaho niya ang kaniyang trabaho.
Ikinatiwala niya ang kaniyang mga paniniwala sa sariling kakayahang matuto. Nasa trabaho ang kahulugan ng lahat. Ang kaniyang buong pagkatao ay matatagpuan sa Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado, at Linggo. Isa siyang karakter na curacha. Walang tigil. Walang pahinga. Walang magawa para pigilin ang sarili sa pag-gawa. Parang pinapatay ang sarili sa hirap at sarap sa paghahanapbuhay. Pero ang kaniyang sakripisyo ay isa ring resureksiyon. Siya ang lupa, siya ang butil, at siya rin ang agos ng panahon.
Hindi ba na parang himala rin na ang taong noon ay walang kuwenta ay nagkaroon na ng halaga? At alam niya na alam mo na ikaw na ngayon ang walang kuwenta. Isinasapuso niya ang kaniyang mga kasalanan. At minamata niya ang may mga kasalanan sa kaniya.
Sikretong gantimpala (Self-validation as the only award.)
Para maging malaya, ikinulong niya ang kaniyang isip sa sentensiyang panghabambuhay na pag-iisip. Wala na siyang karapatang pagdudahan ang sariling kakayahan. At bawal ang pag-emote-emote. Ito ay nakahihina ng Sistema at nakasisira ng katawan.
Samakatuwid, sa kulungang ito, pinapatay ang taong puno ng kadramahan. Sa kulungang ito, mahigpit din ang seguridad. Para mapanatili ang kaayusan ng sistema sa kulungan, ipinagbabawal na makapasok ang mga mababaw na kaisipan. Hindi pinahihintulutan na makabisita si Doubting Thomas. At may parusa sa taong puro lang drawing ang plano.
Hindi ba na parang kulungan na rin ang panahon? At si Lunes ang warden? (Na paminsan-minsan ay binibilang din ang good conduct allowance) Pero, gaya sa isang kasabihan, “pahaba-haba man ang vacation leave, kay Lunes pa rin ang ending—o ang umpisa ng realidad.”
“So it shall be written. So it shall be done.” – Rameses, from the movie The Ten Commandments/PN






