
“The person who destroyed your past shouldn’t get to steal your future, too.”
NOONG ako ay nagtu-tutor pa, mayroon akong estudyante na talagang masasabi mong mayaman. At ito ay yaman bunga ng mga sakripisyo ng kaniyang pamilya.
Sa bahay nila, kapansin-pansin ang mga nakapaskil na litrato sa pader malapit sa hagdan. Dito makikita ang mga luma at bagong litrato ng kanilang pamilya. At habang umaakyat ka sa nasabing hagdan, mapapansin mo na ang mga tao sa mga litratong ito ay unti-unting gumagarbo ang pananamit at lalong nagiging marangya ang mga okasyon na pinagkukunan ng litrato. Sa paglipas ng panahon, ang sumusunod na henerasyon ay mas nagiging matagumpay.
Mahigit tatlong taon din akong naging tutor nitong estudyante. At sa ngayon, magtatapos na siya sa kolehiyo sa isang prestihiyosong unibersidad sa Maynila. At sa mga panahong iyon, aking natutunan kung gaano kaganda ang kaniyang kalooban, pati na ng kaniyang mga magulang at ng kanilang mga kasambahay.
Samakatuwid, marami akong natutunan.
1. Bawal maging tamad.
Naririnig natin kung minsan sa ibang tao na kung may pera na sila ay makakapag-relaks na sila sa buhay. Marahil ito ay may katotohanan din. Pero nauubos ang pera. At sadyang hindi naman puwede na hindi tayo gagastos habang nagre-relaks (minsan mas magastos pa nga).
Paiba-iba ang oras ng pagtu-tutor ko sa nasabing estudyante. Kadalasan ay sa hapon hanggang sa gabi kung marami silang takdang-aralin o di kaya’y exam week.
Pero may mga araw na kahit Sabado o Linggo ay nag-aaral kami. Siyempre, kasama na ako sa nag-aaral dahil hindi naman pareho ang leksiyon ko sa klase sa mga asignatura niya. Kung minsan nga tinatamad din ako. Pero nakakahiya naman itong sabihin. Kaya pilit kong ginampanan ang aking obligasyon.
Bakit pati Sabado at Linggo? Kahit walang pagsusulit? Dahil iyun ang sabi ng kaniyang mga magulang. At bilang isang butihing anak, sinusunod niya ito. Minsan nakikita ko na inaantok na siya. Pero puwede palang ipagliban ang antok. Bilib din ako sa estudyanteng ito. Kaya niyang paandarin ang kaniyang utak kahit iba ang gusto ng kaniyang katawan.
2. Todo suporta sa disiplina.
Madalas ikinukuwento ng aking estudyante ang plano niya sa buhay. At sa kagaya niyang may mayaman na pamilya, parang “sinampal na rin ako ng kahirapan” habang nakikinig. Ito yung mga kuwento na hindi mo masasabing isang “wishful thinking” lang o yung parang sagot ng mga candidates sa beauty contest o applicant sa trabaho sa tanong na, “Ano ang mga pangarap mo sa buhay?”
Sa kanilang pamilya, hindi sila nangangarap. Sila ay nagpaplano. Dahil hindi na nga problema ang pera, ang kanilang mga desisyon sa buhay ay naka depende na sa kanilang disiplina. At hindi puwede ang magrelaks dito. Siyempre, nagbabakasyon din sila. Pero hindi ito dala ng katamaran, paglulustay, o pagmamayabang.
Hindi sila mayaman dahil marami silang pera. Mayaman sila dahil alam nila kung papaano gamitin o gastusin ang kanilang pera. At ito ang naging tunay na yaman ng kanilang angkan.
3. Hindi pera ang problema.
Marami ang hindi maniniwala rito. Napaka-obvious naman na ang iba ay naghihirap dahil sa kawalan ng pera. At may mga krimen na ang ugat ay ang kakulangan sa pera.
Pero may mga panahon din na ang mga paghihirap natin ay hindi na dahil sa wala tayong pera. May mga dahilan na ang sadyang salarin ay ang ating mga kaugalian. Dahil kung kawalan ng pera ang puno’t dulo ng pagkalugmok natin sa kahirapan, aba, lakihan pa natin ang mga ayudang natatanggap ng mga tao.
Taasan na rin natin ang buwis ng mga mayayaman at mag-ala Robinhood effect na tayo.
Sa isang banda, ang solusyon ay pera nga talaga. At sa estudyante kong ito natutunan na ang pera ay nanggagaling sa utak. Kung tamad ang utak ng isang tao sa pag-aaral, pag-iisip, o sa pagpapabuti ng sarili at ng mga gawain, walang ayudang makaaahon sa kaniya. At kung anumang pera mayroon siya, madali itong mauubos. Minsan, ang pera pa nga ang makasisira sa buhay ng tao.
May mga benepisyo rin pala sa pagtu-tutor maliban sa pagkakaroon ng extra-income. Hindi man direktang itinuro ng aking estudyante ang mga leksiyong ito, ito ay aking natutunan dahil sa kaniyang magandang pag-uugali at sa kagandahan ng kaugalian ng kaniyang pamilya.
Isang malaking pasasalamat./PN






