
“Filipino: respected as a national language; but hated as a school subject.”
MARAMI sa mga estudyante ko noon sa hayskul ay diring-diri sa Filipino. Hindi nila maintindihan ng lubos ang mga salita at masyado silang nahihirapan sa pag-unawa sa mga maikling kuwento na aming tinatalakay. Naging sagabal din ang wikang Filipino sa kanilang pagpapahayag ng sariling opinyon o saloobin. Ang mga sanaysay na kanilang sapilitang isinusulat ay literal na pagsalin ng mga salitang Ingles sa Filipino gamit ang diksyunaryo. At ng dumating ang Google Translate at ChatGPT, lalong naging katawa-tawa (at kahiya-hiya) ang sitwasyon.
Wala munang “Speak English Only Policy” tuwing Buwan ng Agosto.
Anong klaseng hayop ang kumakanta ng Lupang Hinirang at bumibigkas ng Panunumpa ng Katapatan sa Watawat tuwing Lunes ng umaga pero pagkatapos ay dapat magsalita sa Ingles hanggang Biyernes? Sa isang hayskul student na sapat lang ang baon pambili ng pagkain, mababawasan pa ito pag nahuling nagsasalita sa wikang dayalekto.
“Hello everyone! My name is Juan dela Cruz. In my country, my school discourages me from speaking my own dialect and praises me for speaking in this (not so) foreign language.”
Bilang guro noon, napatanong ako sa sarili, “Bakit nahihirapan ang mga mokong na ito sa pagbasa, pagsalita, at pagsulat sa Filipino?”
Dahil noong nasa hayskul ako, hindi naman ganito ka demonyo ang Filipino. Mas maiintindihan ko pa nga kung nahihirapan sila sa Math. Pero kahit nga sa Math (o sa Chemistry), may pag-asa pang matuto. Tamad lang talagang mag-aral.
Pero sa Filipino, aking napansin na hindi lang ito nakakawalang gana, ito ay nakakawalang pag-asa. Dahil sa araw-araw na pag-ikot ng mundo, nakikita ng mga estudyanteng ito na hindi talaga class subject ang Filipino. Ito ay isang lengguwahe na ginagamit natin sa ating pakikitungo sa iba. At heto pa ang masaklap: karamihan sa atin ay mas pipiliin pa ang wikang Ingles kaysa sa Filipino kung makikipag-usap sa iba.
Sige nga, anong wika ang kadalasang ginagamit sa mga job interview? Subukan mong mag-submit ng application letter sa wikang Filipino. At di ba, kahit sa mga international beauty pageant, proud na proud nga tayo dahil hindi na kailangan ng translator sa Q and A portion? Kaya nga kahit sa mga local beauty contest, we prefer the English language. For whether we like it or not, speaking in English (with English accent) makes the person not only intelligent, but also beautiful. And nobody gives a damn if you have poor Filipino grammar (except your Filipino teacher). For as long as you can properly write and speak in English, you’re good.
Dumating na tayo sa panahon na “ang Ingles ay Filipino na rin.” Ibig sabihin, bahagi na ng national identity natin ang wikang Ingles. Saan natin ngayon ilulugar ang Wikang Pambansa? (That is “so foreign” to some high school students?)
Para sa akin, may kakaibang dating ang wikang Filipino. Hindi ko maipaliwanag ng husto kung bakit ako nahumaling sa pagbasa at pagsulat sa Filipino. Pag ako ay nagbabasa ng mga panitikang Filipino na nakasulat sa wikang Filipino, may sa kung anong kapangyarihan at hiwaga ang dulot ng mga salita sa akin. Parang ang pagkatao ko mismo ay dinuduyan ng mga katinig at patinig hanggang sa ang aking kamalayan ay dadalhin ng mga salita sa mundo ng ating mga kanunu-nunuan.
Dahil hindi class subject ang Filipino. Para sa akin, ito ay pinaghalong sining at kasaysayan na nakabibigay lakas at pag-asa sa ideya na may angking ganda at halaga ang wikang Filipino na nakapagpapalaya sa isipan at damdamin ng tao.
“Ilonggo ako. Pero hindi ako nagbabasa o nagsusulat sa Hiligaynon. Asta lang ko sa wakal.”/PN