
IBA ANG dating ng buwan ng Oktobre ngayong taong 2025. Sa unang linggo pa lang, ipinadama na sa atin na may mga bagay na hindi natin kayang pigilin. At sa kasamaang palad, hindi rin natin kayang matantiya kung kailan mangyayari.
Parang sumabay na rin ang kalupaan sa pagprotesta.
Siyempre, ang lindol ay isang natural na pangyayari. Natutunan natin ito sa paaralan. Pinaghandaan din natin ito. At kahit na nakalulumo ang dulot nito sa ating pamayanan, tanggap natin na sadyang wala tayong magagawa kundi ang harapin ang katotohanan. Hahanap tayo ng paraan para makabalik sa dati.
Buong puso nating tatanggapin na sa gitna ng mga sakuna, ay kaya nating bumangon muli.
Pero medyo umiba ang mga pananaw ngayon sa mga nasira o apektadong mga imprastraktura. Ngayon, dahil sa mga isyu tungkol sa mga flood control projects, may kadugtong ng akusasyon ang mga paghihirap natin tuwing may sakuna.
Naging katanggap-tanggap na ang opinyon na ang dahilan kung bakit naging ganito kalubha ang mga pinsala tuwing may mga bagyo o lindol ay dahil may korapsiyon na nagaganap sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Kumbaga, hindi lindol ang gumiba sa mga gusali, kundi ang katiwalian sa pagpapatayo ng mga ito. Hindi ulan ang nagdulot ng baha, kundi ang kakulangan ng mga epektibong drainage system. Hindi peste ang sumira sa mga palayan, kundi ang kawalan ng mga programa para sa mga magsasaka.
Kung ating pag-isipan ng mabuti, hindi ang mga sakuna ang dahilan ng ating walang katapusan at paulit-ulit na paghihirap, kundi ang mga taong walang pakundangang ibinubulsa ang pera na para sana sa bayan.
Ibig sabihin, sa gitna ng mga sakuna, may korap na nakikinabang.
Ano ang laban ng karaniwang mamamayan sa mga may kapangyarihan na hindi masaklaw ng batas at hustisya?
Kung tutuusin, mas marami tayong mga karaniwang tao kaysa sa kanilang mga nakaupo sa puwesto.
Pero ano ang magagawa mo ngayon? Ikaw na may pasok pa sa paaralan? Ikaw na may trabaho pa bukas? Ikaw na hindi pa nakabayad ng kuryente? Ikaw na nag-loan na naman? Ikaw na may sakit? Ikaw na nag-aalala kung papaano pagkakasyahin ang suweldo?
Nakita mo ba yung gabundok na pera sa mesa na ipamamahagi sa kanila? Pero ikaw ay nahihirapan kung ano ang ilalagay sa hapag-kainan dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin.
Nakita mo ba ang mga nakahilerang mamahaling sasakyan kasama na diyan ang payong? Pero ikaw ay lubog sa baha at hindi makabili ng bagong payong.
Nakita mo ba yung basketball court na nasa loob ng bahay? Isipin mo yun. Kasya ang basketball court sa loob ng bahay. At ito ay dahil sa buwis na binabayaran mo.
Nakita mo ba na may naparusahan na sa kanila? Wala.
Dahil sa gitna ng mga sakuna, ay ang kawalan ng hustisya. Pera kapalit ng hustisya. Pera kapalit ang pananahimik ng mga saksi. Kung hindi kaya ng pera, gamitan ng pananakot, baril at bala.
Sa ganitong klaseng sistema, ano ang magagawa nating mga karaniwang tao?
Nang lumindol, kusang nagkaisa tayong lahat. Nagdasal. Nagtulungan. Nagbigay ng donasyon. Alam natin kung ano ang nararapat na gawin. Alam natin na kung susuportahan natin ang isa’t-isa, malulutas natin ang ating mga problema.
Dahil sa gitna ng mga sakuna, natutunan natin ang lakas ng taongbayan. Lakas na hindi mapipigilan. Lakas na hindi mananakaw. Lakas na mas makapangyarihan kaysa sa mga nakaupo sa puwesto.
Lakas na naging alab ng ating damdamin. Puso at hindi pera ang batayan ng lahat. Hustisya at hindi politika ang umiiral. “Sovereignty resides in the people and all government authority emanates from them.”
Sa gitna ng mga sakuna, nagkaisa tayong lahat.
Sana ganito rin tayo sa darating na eleksiyon. Buong tapang at buong talino nating tatalunin at sisibakin sa puwesto ang mga korap.
Sa totoo lang, kahit medyo korny, ay tama ang kantang ito: “Together we stand, divided we fall.”
Subalit, ang pagkakaisa para sa bayan ay nangangailangan ng responsableng pagboto tuwing eleksiyon. Kung sa balota pa lang ay hindi na natin kayang sundin ang ating prinsipyo, malabo na magiging matino ang “serbisyo publiko” ng ilang mga politiko.
Kaya sana, sa gitna ng mga sakuna, isipin natin na may karapatan tayong makatanggap ng dekalidad na mga serbisyo dahil nagbabayad tayo ng buwis.
Pero mangyayari lamang ito kung gagamitin natin ang ating kapangyarihan tuwing eleksiyon na piliin ang mga taong may integridad na paglingkuran ang bayan sa isip, sa salita, at sa gawa./PN