
“Since corrupt people unite amongst themselves to constitute a force, then honest people must do the same.” — Leo Tolstoy
ANO KAYA ang mangyayari kung walang makukulong sa darating na buwan ng Disyembre? Naniniwala ka ba na may makukulong? Sa proseso ng litigasyon sa korte na dapat sundin ng magkabilang panig, mukhang imposible na matatapos ang kaso at makagawa ng desisyon ang huwes sa loob ng mahigit-kumulang isang buwan.
Pero hindi natin alam ang mga hakbang na mangyayari sa susunod na mga linggo. Marami pang sorpresa ang nakaantabay. Sa laki ng pinsala na dala ng korapsyon, pinaaandar na ng mga politiko ang makinarya ng politika para magawan ng paraan na ang iskandalong ito ay mabaon sa limot.
May isang presidente rin noon na nangako na ang problema sa droga ay matatapos sa loob ng ilang buwan. Pero natapos lang ang anim na taon, at kahit tinapos na nga ang buhay ng mga nanlaban, ang problema sa droga ay hindi pa rin natapos. Tuloy ang ligaya, ika nga.
Pero wala namang bago sa mga ganitong kapalpakan. Talagang napapako ang mga pangako ng karamihan sa ating mga binoto. At walang kaparusahan sa ganitong kalokohan. At wala na rin sigurong gamot sa ating katangahan. Binoboto pa nga natin sila ng paulit-paulit.
Anong parusa ang maihahatol kung hindi mangyayari ang pangakong P20/kilo na bigas? Wala.
Ang demokrasya ay isang sugal. Kung susuwertehin tayo, mararanasan natin ang tunay na serbisyo publiko. Kapag minalas naman, trahedya ang ating kapupuntahan.
May mga tao sa gobyerno na mas banal pa sa mga deboto ng simbahan. Sa mga nangyayari ngayon, mapapabilib ka na lang dahil ang mga pinangalanan na mga politiko ay puro mga inosente. Walang makasalanan sa kanila. Ibig sabihin, walang makukulong. Ang iba siguro ay mag-dadrama ng hospital arrest o house arrest. Pero walang makukulong.
At ito lang siguro ang pangako na talagang ipaglalaban ng isang politiko: “Wala sa atin ang makukulong.” Napatunayan na ito noon.
Mga paraan para walang makukulong:
1. Pag-awayin ang mga DDS, BBM, Pinklawans, at kung ano-ano pang mga grupo sa social media.
2. Dahil puro Facebook lang ang alam ng mga ‘yan, hayaan natin silang magsagutan sa komento. Hinding-hindi sila kailanman magkakaisa para sa bayan dahil kaniya-kaniyang opinyon ang mga ‘yan.
3. Ipalaganap natin ang fake news. Dahil sa ubod ng tamad ang mga ‘yan na mag fact check, malilito na ang lahat at hindi na alam kung ano at sino ang paniniwalaan.
4. Damihan natin ang mga ayuda. Sila-sila na rin sa barangay ang magnanakaw ng pondo. At sila-sila na rin ang mag-babangayan. Dahil dito, hindi sila makakabuo ng mga hakbang laban sa korapsyon.
5. Higit sa lahat, tandaan natin na madaling makalimot ang mga Pilipino. Gawin nating teleserye ang iskandalong ito. Aliwin natin sila. Magpanggap tayong katawa-tawa. Mawawala rin ang kanilang galit balang araw.
Pagdating ng kapaskuhan, may kasunod na episode na naman ito. May mga bagong karakter at rebelasyon na magaganap. Sa ganda ng script at plot ng teleseryeng ito, hindi na natin maaalala ang pinagmulan ng imbestigasyon at mahihilo tayo sa dami ng mga impormasyon na wala namang kahahantungan.
Bilib naman ako sa mga politikong ito, pati ba naman ang ating masayang pagdiriwang ng Pasko ay nanakawin pa./PN






