“A society of love can exist only if it is protected by the Rule of Law.” ― Senator Miriam Defensor Santiago
HINDI ang katandaan ang nagdudulot ng kahinaan, kundi ang kawalan ng pagmamahalan.
At siguro ay masasabi rin natin na ang simple at inosenteng kasiyahan na ating nadama noong ating kamusmusan ay dala ng ating “mapaglarong” isipan.
Wala tayong iniisip noon kundi ang maglaro. Ayaw nating matulog. Ayaw nating mag-aral. Gusto lang natin ay magtakbuhan sa labas at loob ng bahay. Magtaguan sa liwanag o sa dilim. Umakyat ng puno at maglambitin. At kung malakas naman ang buhos ng ulan, instant shower sa buong barangay ang feeling.
Wala tayong pinapansin na problema. Tawa lang tayo ng tawa. Iyak lang tayo ng iyak. Limot natin ang lungkot ng nakaraan. Ang susunod na araw ay sobrang malayo pa. Tanging ang mga kaganapan lang ng kasalukuyan ang pinagkakaabalahan natin.
Likas na puno ng pag-asa ang mga kabataan. Nasa kanila ang dalisay ng pamumuhay. Malamang dahil wala pa silang mga responsibilidad sa buhay. Tama nga naman. Pero kung tutuusin, ang tanging responsibilidad lang naman ng isang bata ay ang pagiging bata.
Hiraya Manawari (“May your dreams come true”).
Walang ambisyon sa buhay ang isang bata. Wala siyang gustong makamit na kailangang pagtrabahohan ngayon ng maigi. Kaya dapat siyang matuto. Kailangan pa niya ng pag-aaruga at gabay. Dapat siyang turuan ng mga matatanda para mapaghandaan ang darating na realidad ng buhay.
Saan kaya nakukuha ng isang bata ang ideya kung magiging ano siya sa kanyang paglaki? Sino kaya ang may tunay na impluwensiya sa kanyang mga desisyon sa buhay?
Ang pamilya ba ang may pinakamahalagang tungkulin sa pag-gabay para sa kinabukasan ng isang bata?
Nasa paaralan ba ang pinakamainam na paghihikayat kung anong klaseng kinabukasan ang nababagay sa isang bata?
Ano naman ang kontribusyon ng gobyerno sa paghubog at pagsuporta sa mga pangarap ng mga kabataan?
Anong institusyon ng lipunan ang pinakamakapangyarihan sa pagbigay direksyon sa ating mga kabataan?
Pag “broken family” ang kinalakihan ng isang bata, ano ang karapatan natin na pagsabihan ang kaniyang mga magulang?
Pag “low rating” ang kaniyang paaralan, may magagawa ba tayo para mapabuti ang kaniyang mga guro?
Pag “corrupt” ang gobyerno, may epekto rin kaya ito sa mga kabataan?
Dehado ang mga kabataan dahil ang mga matatanda ang lumilikha ng mga istraktura na kanilang ginagalawan. Kung matatakasan nila ang kahirapan ng pamilya at malalampasan nila ang mga pagsubok ng paaralan, mapupunan din kaya nila ang kakulangan ng gobyerno?
Kung ang mga tao sa gobyerno ay abala sa mga isyu ng korapsyon, may panahon pa kaya sila na tayo ay kanilang paglingkuran? Ano ang silbi ng gobyernong bulag, pipi, at bingi, sa ating mga hinaing?
Sa ngayon pa lang, nasisira na ang kinabukasan ng mga kabataan. Hindi lang ito tungkol sa pagnakaw sa kaban ng bayan, ito ay isyu rin ng pagnakaw sa magandang kinabukasan ng mga kabataan. Hindi lang pera ang naaaksaya rito. Pati buhay ng tao ay nadadamay. Anong ehemplo ang pinakikita ng mga politikong ito? Na siya namang pinag-aawayan ng mga BOBOtante?
Nakakapagod din ang ganitong sitwasyon. Dali ka magtigulang sa ugtas mag-amo sini. Sa lawak ng sistema ng korapsyon, mapapasabay ka nalang sa agos.
O pwede ka rin namang mangibang-bansa, o di kaya’y “pumasok” sa gobyerno para umasenso ang buhay.
Magulang: “O, anak, anong gusto mo paglaki mo?”
Anak: “Gusto ko pong maging politiko, Itay!”
Disyembre na. Sino na nga ba sa mga politiko ang makukulong? Kung mas makapangyarihan ang politika kaysa sa hustisya, saan tayo ngayon kukuha ng lakas para hindi mawalan ng pag-asa?
“Ang bayan ko’y tanging ikaw
Pilipinas kong mahal
Ang puso ko at buhay man
Sa iyo’y ibibigay
Tungkulin ko’y gagampanan
Na lagi kang paglingkuran
Ang laya mo’y babantayan
Pilipinas kong hirang…” —Francisco Santiago/PN






