
SALAMAT sa social media:
1. Dahil ngayon, alam ko na ang lahat ng trahedya na naganap kamakailan lang at pati na rin noong mga nagdaang siglo. Saksi na rin ako sa mga aksidenteng nagaganap at pinag-uusapan ng husto. May kaalaman at handa na rin ako sa magaganap pa lang na mga sakuna.
2. Updated na ako sa kadramahan ng mga artista at politiko. Aware na rin ako sa kadramahan ng mga feeling artista at sikat. Naging ganap na self-declared psychologist na rin ako dahil sa aking mga magagandang komento tungkol sa buhay ng ibang tao. Feeling ko nga, dahil sa akin, gumanda ang takbo ng buhay nila.
3. Lumawak ang aking kontribusyon sa pagsagip sa mundo. Marami na akong na i-share na mga posts tungkol sa karapatang pantao, lahat ng klase ng paninira sa kalikasan (lalo na sa paggamit ng plastik), sobrang pagkain ng mga matatamis, kahalagahan ng ehersisyo, at pati na ang importansiya ng pagbabasa ng libro.
4. Nakapagbibigay na ako ng saya sa nakararami. Madalas kong i-share ang mga top 5, top 10, at top 20 na mga nakakatuwang video o meme na talagang nakakawala ng stress. Magandang panoorin ang mga ito lalo na tuwing oras ng trabaho.
5. Nakakatipid na rin ako ng pera. Hindi ko na kailangang manood ng sine. Salamat sa mga kusang-loob na nagbibigay ng link. Minsan, puwede na rin ang mga movie recap. Nakakawala rin naman ito ng stress. Sulit panoorin habang naghihintay sa kung ano.
6. Marami na ako ngayong mga kaibigan na nakauunawa sa akin. Alam ko ito dahil pag ako ay nag-post ng aking problema, kiniclick nila agad ang love o ang care emoji. Minsan nga, nag-post ako ng mahabang pagsasalaysay ng aking saloobin tungkol sa matagal ko nang problema sa paggising ng maaga. Namangha ako sa bilis ng kanilang pag-aalala. Kakapost ko lang, nag-react na kaagad sila. Nakakataba ng puso.
7. Naging tahimik na rin ang bahay. Noon, ang gugulo nila. Ngayon, nakatuon nalang kami sa aming kaniya-kaniyang cellphone, tumatawa ng mag-isa at may panaka-nakang pag-uusap tungkol sa kung ano ang pinapanood sa screen. Matiwasay na rin na nakahiga lang ang mga batang nagpipindot-pindot habang ang kanilang mga magulang ay abala sa pagkuha ng litrato sa mga pagkain at sa kung ano-ano pa na magandang i-post.
8. Madali nang hanapin ang gusto kong bilhin. At nakatutulong din ang social media sa “pagsabi” sa akin na marami pa pala akong ibang bagay na dapat bilhin. Buti na lang.
9. Natutunan ko na rin ang kahalagahan ng pag-post. Gaya ng pagdarasal, importante na rin ngayon ang pag-post sa buhay ng tao. Ito ay maituturing din na karapat-dapat na gawain para sa ikabubuti ng ating konsensiya. Simula sa paggising hanggang sa pagtulog (o habang natutulog), mula ulo hanggang paa, sa lahat ng sulok ng bahay, at kahit saang lugar ng kamundohan, kailangan ng ipaalam sa iba kung ano ang nangyayari sa akin.
10. Dahil siguradong wala ng katuturan ang paniniwala na may mundo pa sa labas ng social media. Nailagay na natin ang buong sansinukob sa isang parihabang gadget. Wala sa labas nito ang hanap ng ating mga mata. Hindi na tanggap ng ating utak ang orihinal na pananaw ng paligid. Hindi na sapat ang damdaming walang emojis.
Salamat sa social media. Nawawala ang aking antok at natatagpuan ko na kung ano at sino talaga ang para sa akin./PN