Dead Poets Society

“I went to the woods because I wanted to live deliberately. I wanted to live deep and suck out all the marrow of life. To put to rout all that was not life; and not, when I had come to die, discover that I had not lived.” — Henry David Thoreau

NATUTUNAN ko sa pelikulang Dead Poets Society ang salawikaing Carpe Diem! (Seize the Day!) Maganda ang mensaheng ito na sa pelikula ay ibinahagi ng guro sa kaniyang mga estudyante.

Subalit may babala rin ang mensahe. Hindi lahat ng tao ay makakaintindi sa paniniwalang malaya kang gawin kung anuman ang gusto mong gawin at kung papaano mo gustong mabuhay (o mamatay).

Simple lang naman sana ang gustong mangyari ng mga karakter sa pelikula. Ang atupagin ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral at ang pag-suporta ng kanilang mga magulang dito. Pero mahirap ikahon ang buhay ng tao. Maraming mga bagay-bagay ang pagdadaraanan na sa kasamaang palad ay maihahalintulad sa nangyari sa pelikula.

Hindi nagustuhan ng ama ni Neil Perry ang kaniyang pagsali sa teatro. Sinabihan siyang ihinto ang kahibangang ito. Isa na ring tradisyon na dapat sundin ang mga gabay ng ating mga magulang. Nagpapakita ito ng respeto ng anak sa mga nag-aruga sa kaniya.

Pero sino ba talaga ang masusunod? Hanggang saan at kailan nakatali ang utang na loob ng isang anak? Ano ang konsepto ng kalayaan sa kontekstong pampamilya?

Ilan lang ito sa mga tanong na nag-udyok sa akin habang pinapanood ang Dead Poets Society. Maganda ang pelikula. Maituturing na isang “klasiks” at ang pagganap ni Robin Williams bilang isang guro (O Captain! My Captain!) ay nakabibigay inspirasyon.

Na ang buhay ay isang kuwentong pag-ibig

Sa pelikulang Dead Poets Society ay natutunan ko na lahat tayo ay may kakayahang gawing “exciting” ang ating buhay. Sa isang bahagi ng pelikula, lakas-loob na pumunta si Knox sa paaralan ng kaniyang iniibig na may bitbit na mga bulaklak at binasa ang isang tula sa loob ng silid-aralan kahit na alam niyang mapapahiya lamang siya sa mga kaklase ng babae.

Pero wala siyang pake. Dahil naniniwala si Knox na kailangan na niyang kumilos para patunayan sa kaniyang sarili na kaya niyang umibig at piliin na ibigin ang kaniyang sinta kahit na parang walang pag-asa. Nagkatuluyan ba sila, si Knox at Ginny? (Panoorin n’yo nalang para kiligin naman kayo.)

Napaisip ako sa eksenang ito. Dahil oo nga naman, para ano pa ang mabuhay kung hindi natin kakayanin na ipaglaban ang mga gusto natin o ang mga mahal natin sa buhay?

Para sa ano pa ang ating mga pang araw-araw na gawain kung magiging paulit-ulit lang naman at walang pagbabago sa ating mga karanasan? Mga karanasan ng pagkainip dala ng mga gawain na hindi natin pinagtutuunan ng pansin para mapabuti?

Sa kuwentong pag-ibig nabubuhay, naaaliw, natitinag, at nabibigyan saysay ang kamalayan ng sangkatauhan.

Na ang buhay ay dapat ding pag-isipan

Mapanlinlang ang ating damdamin. Tuso ang ating emosyon. Kung para saan o kanino tumitibok ang puso, ay minsan hindi tugma sa tamang kaisipan. Pero sino ang makapagsasabi na mali ka sa iyong nadarama? Nadarama mo nga eh kaya malamang na may katotohanan ang iyong pananabik at pagiging agresibo.

Isang misteryosong palaisipan itong ating mga karanasan. Na may mga desisyon tayo sa buhay na hindi man lang natin pinag-isipan ng mabuti.

Sa nasabing pelikula, hindi sinunod ni Neil ang kaniyang ama kaya’t siya ay pinagalitan. Dahil sa kaniyang pagsuway sa utos ng ama, nag desisyon ang ama na ilipat siya sa ibang paaralan para mag-enrol sa bagong kurso. Medyo masalimuot ang relasyong “ama-anak” sa pelikulang ito.

Ang ama ay todo suporta pero napaka strikto. Ang anak ay matalino at may talento sa sining pero nakakulong sa mga patnubay at tuntunin ng ama.

Kaya para makalaya siya sa gapos ng ama, binaril niya…ang kaniyang sarili. Tinapos ang lahat para wala ng gulo. At ang ama ang unang nakakita sa nakahandusay na anak.

Naging mahina ba si Neil? Dahil kung talagang mahal niya ang kaniyang mga pangarap, ipaglalaban niya ito. Hindi siya susuko at pagagapi sa kaniyang damdamin o sa masasakit na salita ng kaniyang ama.

Ang eksenang ito ay masakit tanggapin. Dahil nangyayari rin ito sa totoong buhay. Sa sobrang gusto ng mga magulang na maging matagumpay ang anak, ang anak ay nagiging isang kasangkapan nalang para sa kanilang ikasasaya. At dahil hindi na masaya ang mabuhay, ano pa nga ba ang alternatibo ng anak?

Na nakalilito kung ano ang tama o mali

Dahil sa pagpapakamatay ni Niel, nabalot sa trahedya ang buong paaralan. Sino ngayon ang mananagot? Ang naging salarin ay ang gurong si John Keating. Dahil siya ang nagpalaganap sa ideyang Carpe Diem! Na sinunod ng mga estudyante isa na diyan si Niel.

Ilang beses ko na ring pinanood ang pelikulang ito dahil sa yaman ng mga mensahe ayun sa pagtatagpo ng mga karakter.

Na parang ganun na rin sa totong buhay. Na isang pagtatagpo lang naman ang nagaganap araw-araw. Hanggang mapunta tayo sa pinakahuling tagpo. Nagbabakasakaling sa huling tagpuan makakamit ang sagot. Na kung tama ba o mali ang pinaniwalaan natin sa buhay.

“Sa iyong pagiging abala sa pagsuporta sa iba, nakalimutan at tuluyan mo nang hindi maalala na may mga pangarap ka rin pala.”/PN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here