‘Kung ayaw, may dahilan…’

“He pursued his dream with quiet ferocity.”

NITONG mga nakaraang linggo, aking pinag-iisipan at kinapupulutan ng aral ang konsepto o ang realidad na ako ay kadalasang tinatamad at nangangailangan pang gabayan o pagsabihan para talagang magtrabaho ng maigi.

Kahit na alam ko na dapat ko nang gawin ang isang gawain dahil siguradong tatanungin ako kung natapos ko nang gawin ito, at dahil alam ko rin na may susunod na ipapagawa, nagagawa ko pang mag-aksaya ng oras sa social media.

Naalala ko tuloy ang sinabi ng isang university employee tungkol sa professionalism: (paraphrasing it) “The university hired me to do some tasks. Although I report directly to the University President, I am rarely monitored. I also do not need to log-in. In this kind of work, my boss and my colleagues trust me that I will do my job without being told to do so or reminded about it.”

Ito rin siguro ang ibig sabihin ng kasipagan sa trabaho o sa buhay. Na ginagawa mo ang isang bagay dahil ito ay isang tungkulin na dapat gampanan. At kasama na rito ang paghanap ng mga solusyon para makamit ang nararapat na resulta.

Dahil mahirap ang buhay. May mga araw na sadyang mabigat lang ang iyong pakiramdam. Wala ka ngang sakit pero nanghihina ang iyong katawan sa kakaisip ng mga gawain, tungkulin, at problema.

Pero ang mga nasabing kahirapan ay hindi sapat na dahilan para hind maging isang propesyonal.

At may mga tao na sadyang nakakabilib. Ang kanilang gamot sa depresyon ay hindi ang pagkukulong sa kuwarto o pagdadrama sa Facebook. Kusa nilang sasabihin sa sarili na kaya nilang maresolba at mahanapan ng paraan ang kahit na anumang balakid. At isa sa mga paraang ito ay ang paghusayan ng husto ang kanilang trabaho. Ang pagiging masipag ay libreng gamot ng buhay.

Bakit pa ba kailangang pagsipagan?

1. Dahil may gusto kang marating sa buhay.

Kung pupuwede lang sana na makamit ng walang kahirap-hirap ang iyong mga pangarap. Kung tutuusin, simple lang naman ang solusyon: kung talagang gusto mo, pagsipagan mo. Huwag tatamad-tamad. Huwag puro reklamo.

Sa aking trabaho ngayon, natutunan ko na walang pinipili ang katamaran. Ano man ang antas sa buhay o propesyon, may mga panahon na biglang mawawalan ng gana o mapapagod ng husto ang tao. At dito ko nakita kung paano ito nilalabanan. Antok, puyat, gutom, ubos na ang suweldo, marami pang babayarin, nakalimutang deadline, at tila katapusan na ng mundo: kaya itong hanapan ng solusyon.

2. Dahil hindi ka mapapalagay kung hindi mo susubukan.

Noong aking kabataan, nakatira kami sa isang lugar na ang mga tirahan ay dingding lang ang pagitan. Ang daanan ay mapanghe at maraming maaapakan na di kanais-nais.

Karamihan sa mga tao roon ay walang pangarap na ibahin at pagbutihin ang kanilang sitwasyon. Hindi nila kayang isipin na makakapag-bakasyon sila sa abroad. Na makabibili sila ng kotse. Na makatitira sila sa bahay na may totoong pintuan at tunay na kwarto at kama.

Okay lang naman na sa umpisa ay pag-usapan ng husto ang mga gustong makamit sa buhay. Pero hindi naman puwedeng hanggang tambay na lang at tsismis ang mga ito.

Sa aking trabaho ngayon, naging malinaw ang aking mga plano. Kung ano nga ba ang gusto kong mangyari sa aking buhay. At kung paano ang mga ito makakamtan. Exciting.

3. At naging matagumpay taon-taon.

Dapat nga araw-araw. Talagang mapag-iiwanan ka ng panahon kung hindi mo alam ang dahilan kung bakit mo ginagawa ang iyong ginagawa ngayon. May mga tao na pupunta sa trabaho at sa opisina ay magrereklamo sa dami ng gawain.

Sa aking trabaho ngayon, natutunan ko na kahit anong dami ng iyong pera o gaano man kagaling ang iyong mga resulta, siguradong bukas-makalawa ay may nakatambak na namang gawain.

Ito na siguro ang paraan para magkaroon ng peace of mind: to not be surprised that work is demanding. And to not be troubled about it. To a person with an unbreakable spirit, failure and suffering are nothing but lessons to learn from. One day at a time. One page at a time. One small, segmented task at a time.

Dahil ayun nga sa kanta ni Rico Blanco: “Kung ayaw, may dahilan. Kung gusto palaging merong paraan./PN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here