‘Normal lang ba ang pagiging tamad?’

“The only real test of intelligence is if you get what you want out of life.”—Naval Ravikant

IPAGPALAGAY na natin na meron kang mortal na kaaway sa buhay. At sa kasamaang palad, ikaw ay itinuturing din niyang mortal na kalaban. Kung talino, sipag, at pagpupursigi ang sukatan ng laban, sino kaya sa inyong dalawa ang mananalo?

Pero puwede rin namang wala kang kinakalaban. Isa kang mabuting tao, masunurin, at may simpleng ambisyon sa buhay. Pero sa ganitong klaseng estado mo sa buhay, posible pa rin kaya na merong gustong tumalo sa iyo sa kung ano mang dahilan na hindi mo nalalaman?

Kung kailangang maging matalino para magtagumpay, at kung ang talino ay nangangailangan ng pagsisikap, may obligasyon pa rin ba ang gobyerno o ang mga pribadong kompanya na tulungan ang mga tamad?

May kokontra pa ba sa paniniwala na walang laban ang taong tamad sa taong masipag?

May kamalasan pa nga dahil posible na ang nag-iisang taong tamad ay pinupuntirya ng isang grupong ubod ng sipag ang mga miyembro.

Mahirap maging masipag. Pero makakaahon ka sa kahirapan kung sisipagan mong magtrabaho.

Pero hindi lahat ng masipag ay mayaman. At hindi lahat ng mayaman ay masipag. Hindi lahat ng matalino sa paaralan ay umaasenso sa trabaho. At meron ding mga estudyanteng pasang-awa pero nagtagumpay ng husto sa buhay. Ang masaklap ay ang buhay ng isang tamad na isang kahig, isang tuka ang kinagisnan.

Pero kahit ano pa man, saan mang bahagi ng pananaw, walang maaasahan na kaginhawaan sa pagiging tamad. Ikaw mismo ang sumisira sa sarili mong dignidad. Ikaw mismo ang kumukutya sa sarili mong pagkatao.

Pero maraming tamad na empleyado. May mga empleyado na sobrang taas ang sweldo pero nakatunganga lang sa opisina. At may iba diyan na dahil nasa mataas na posisyon na, ay biglang nagkaroon ng karapatan na huwag trabahohin ang kaniyang trabaho.

At kung minsan, isang insulto sa nakararami kung ang kanilang ka-opisina ay nag desisyon na maging masipag. Gagawin nila ang lahat para ang ka-opisinang ito ay mabigo sa kaniyang adhikain.

Pero hindi sapat ang pagiging masipag sa trabaho o sa pag-aaral. Dapat may kasamang talino o kahusayan sa sariling pamamahala habang sinisipagan ang mga obligasyon sa buhay. At dito nagkakatalo (o nagkakapanalo).

Sa aking trabaho ngayon, social media ( o paggamit ng cellphone) ang numero unong sagabal.

AI-driven social media algorithms are designed solely to capture our attention for profit without prioritizing ethical concerns, personalizing content, and enhancing user engagement by continuously tailoring feeds to individual preferences. These adaptive algorithms are designed to maximize screen time, thereby deepening the activation of the brain’s reward centers. This cycle of optimized content and heightened engagement accelerates the development of addictive behaviors.”— Social Media Algorithms and Teen Addiction: Neurophysiological Impact and Ethical Considerations by Debasmita De, Mazen El Jamal, Eda Aydemir, and Anika Khera (2025)

Ito na siguro ang grupo ng mga matatalinong tao na pumupuntirya sa sangkatauhan mula sa bata hanggang sa matatanda. Kaya nila tayong gawing “adik” sa paggamit ng social media upang sila ay yumaman ng husto.

Ibig sabihin, may pera (sobrang dami ng pera) sa social media.

Pero hindi rito ang pinili kong laban. At ito ang aking natutunan kamakailan lang. Para sa akin, masyado ng maingay at pa-epal ang mga tao. Halos lahat “ChatGPT mentality” na. Yung tipong working smart and looking smart ang dating dahil papindot-pindot lang habang nagtatrabaho.

Sa katunayan, wala namang grade level ang pag-aaral. At malaya ang tao na mag desisyon na gagawin ang lahat para tumalino o maging dalubhasa sa napiling propesyon.

Sa pangkalahatan, aking napagtanto ang kapangyarihang dulot ng sipag at talino. At ito ngayon ang eksperimento ko sa buhay./PN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here