Sining ng mga sandali

“The person who loves walking walks further than the person who loves the destination.” –Sal Di Stefano

NOONG nakaraang araw ng Biyernes, ginugol ko ang aking oras sa pag-edit at pag-finalize ng isang gawain. Ito ay tungkol sa isang kaso na nangangailangan ng masusing pag-aanalisa at pagbibigay ng mga nakararapat na suporta sa mga konklusyon na dapat pagtibayin ng mga desisyon ng Korte Suprema.

‘Yun ‘yong plano. At pinaghandaan ko nga. Na dapat bago mag-alas singko ng hapon, matapos ko na lahat-lahat hanggang sa pinakahuling tuldok. Sinabi ko sa aking sarili na kailangan ng tapusin ito para makapag-umpisa na sa ibang mga gawain sa darating na Lunes. Dahil may mga gawain na nangangailangan ng maraming oras na tutok para hindi mawala sa daloy ng proseso at para makamit ang natatanging output.

Pero hindi ito nangyari. Hindi ko natapos ang inumpisahan dahil biglang may sorpresang gawain na dapat gawin dahil kinakailangan. At ito ay gawain na bago sa aking paningin. Ibig sabihin, dapat itong tapusin agad-agad kasabay ng pag-aaral ko kung papaano ito gagawin ng tama.

Nataranta ako. Dahil may naghihintay para ito ay matapos. Habang nagta-type, hindi ko alam kung tama nga ba talaga ang aking ginagawa. Maraming typo at clerical error. Ilang ulit kong pina-print ang gawain.

Mag-aalas-singko na, pero parang nag-uumpisa pa lang ang araw ko.

At natapos naman ang sorpresang ito. Pinirmahan na ng kinauukulan. Napabuntunghininga ako ng malalim. Pero makaraan ang ilang minuto, nakita ng katrabaho ko na may maling ispeling. Sa sobrang pagmamadali, o dahil sa pagkataranta, hindi ko namalayan na maling salita ang nag-autocorrect—instead of “since,” it was “sine.”

Nairita ako rito. Pero may natutunan ako noong Biyernes na iyon.

1. Nasa huli ang katotohanan.

May mga pagsubok na hindi mapaghahandaan. Samakatuwid, hindi naman nakaiskedyul ang mga pagsubok. Kusa itong dumarating. At wala itong pakialam kung handa kang harapin ito. Bigla lang itong pupuwesto sa iyong harapan o sa iyong paligid. At hindi ka makaaatras. Hindi ka makakawala. Nandiyan kana bago mo mamalayan na ayaw mo diyan.

Noong oras na iyon, lutang at sabog ang aking pag-iisip. Pero pinilit kong gawin ang obligasyon. Bakit sa akin ito ipinapagawa? Hindi ba nila nakikita na may tinatapos ako na mas mahalaga kaysa rito? Pwede naman itong gawin ng iba. At itong aking tinatapos ay sadyang ako lamang ang makatatapos dahil ang puno’t dulo ng gawaing ito ay sa akin ibinigay.

Malamang tama ang aking reklamo. Pero aking napagtanto na ang aking pag-aalburuto (ng tahimik) habang ginagawa itong sorpresang gawain ay hindi dahil tama ako. Ang aking lihim na pagrerebelde ay dala ng aking katamaran at kahinaan ng loob. At ito ang siyang “totoong tama” ng mga panahon na iyon.

2. Kaya ko rin pala.

Maganda itong natutunan ko noong Biyernes. Kakayanin ko rin pala kung hindi ako padadala sa panlilinlang ng sarili kong utak.

Masarap balikan ang alaalang ito na nagmistulang inspirasyon dahil sa natatanging aral nito. Kung ang pagpapabuti ng buhay ay isang sining, ang nangyari noong Biyernes ay maituturing ko na *sining ng mga sandali.

Noong una, parang malas pa nga dahil nagkataon na sa akin ibinigay ang sorpresang gawain. ‘Yun pala, ito ay isang swerteng Friday the 13th para sa akin. Ang araw na iyon ay nagbigay sa akin ng ideya na kaya kong magtrabaho sa mas mataas na lebel ng pag-iisip. Na kaya kong mapanatili ang aking disposisyon sa gitna ng kalitohan. At kaya kong bigyan ang aking sarili ng lakas ng loob na harapin at tapusin ang ipinapagawa kahit na parang gusto ko nang sumuko.

Akala ko hindi ko kakayanin. Kaya ko rin pala.

3. Integridad sa dekalidad na gawa.

At dahil nag-alas-singko na nga ng matuklasan ang maling ispeling, nangatwiran akong palampasin nalang ito. Pero ako ay sinabihan na ang dokumentong ito ay pirmado galing sa aming opisina. Ito ay mababasa ng iba at ang pinanggalingan ng kamalian ay ako. At alam ko na may mali. Kaya hindi pupuwedeng ibalewala ko lang at magpanggap na wala akong alam.

Simpleng dokumento lang naman iyon. At ang isang maling salita ay marahil ipagkikibit-balikat lang din naman ng iba. Pero sa kabilang banda, may oras pa naman na itama ang mali. Idagdag ang isang letrang kulang sa salita at mag-print uli. Gawin ito kahit lampas na ng alas-singko ng hapon ng Biyernes. Siguradong mas maganda ang darating na Lunes sa ganitong pagtatapos ng Biyernes.

Oo nga naman. At natapos ang linggo na may liksi ng kaisipan. Nawala ang aking pagod. Gumaan ang aking loob. At natutunan ko ang halaga ng dignidad sa aking trabaho. Natutunan ko kung papaano maging mas mabuting tao.

*Sining ng mga sandali – mula sa libro ni Allan Derain na pinamagatang Ang Landas Palabas ng Nobela (2025)./PN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here