PSN’s ‘Si Padre Olan at ang Diyos’, Part 7

THIS IS THE second to the last installment of the Padre Olan story that I started to serialize since Nov. 11.

I like that we conclude this first week of December with scenes of people praying.

It’s also our praying and waiting season as we celebrate Advent for the Coming of our Savior at Christmas.

If you missed the earlier installments of the story, this maybe the best time to look for back issues.

Or to check the online version of the newspaper.

*

Si Padre Olan at ang Diyos

© Peter Solis Nery

(continued)

*

Buong araw ng Biyernes, sumulat ng kanyang sermon at nagtabi ng mga banal na babasahin si Padre Olan. Lumikha siya ng mga bagong dasal.

Maaga pa ng Sabado, tinulungan siya ng mga kasapi ng Apostolado ng Panalangin sa pagpili ng mga himig pagsamba para sa natatanging liturhiya. Sinanay niya ang Youth Ministry na nakatakdang manguna at mamuno sa mga awitin bilang koro.

*

Nagulat na lang siya nang lumabas siya sa simbahan dahil marami ang mga taong nagsidatingan galing sa kung saan-saan. Galing daw ang iba sa kanila sa sari-saring kabayanan ng isla at nais lamang sumali sa natatanging araw ng pagdarasal para umulan. 

Bisperas ng patronal na pista sa kalapit na bayan ng Jordan subalit maraming taga-Jordan ang dumayo sa kanyang simbahan sa Baryo Navalas. Nagtirik sila ng mga tolda, umupo sa damuhan at nagtipon sa parke sa gilid ng simbahan.

Ipinatawag ni Padre Olan sina Grand Knight Enying at Inday Alice ng CWL. Hiningan ng paliwanag. 

*

“Padre,” sabi ni Inday Alice, “wala tayong magagawa kung nais nilang manalangin kasama natin.”

“Higit na mabuti nga na marami ang magdadasal, Padre, hindi ba? Mas malakas ang mga panalangin,” tugon ni Knight Enying. “The more, the merrier,” dagdag pa niya sa Ingles. 

“Hindi tayo magkasya lahat sa simbahan,” sagot sang pari.

*

Subalit pinangakuan siya ni Knight Enying na walang problema. Nagkusa daw si Don Beato Yngala na magdagdag ng dalawang trompa para marining ng mga nagsipagsimba, na hindi magkasya sa loob, ang mga dasal at pagsusumano kahit pa sa labas ng simbahan.

Nagmukhang pista ang paligid ng gabing iyon. Maalinsangan pa rin at maligamgam ang panahon. Walang kahit isang ihip ng hangin sa nakayukod at natuyong mga dahon sa puno. Datapwat may naiibang uri ng tuwa sa mga tao. Nagsasaya sila. Na para bang mabuhayan sila ng pag-asa. Halos makatulog si Padre Olan ng gabing iyon. 

***

“Dahil kami’y Iyong mga anak, Ama, nagsusumamo kami sa Iyo,” dasal-awit ni Padre Olan Javellana sa gitna ng altar na puno ng mga bulaklak ng bogambilya.

Sumagot ang mga sumasampalataya, “Bigyan mo po kami ng ulan, O Panginoon!” 

Mahaba ang tugunang dasal-awit na panalangin. Solemne ang pag-awit ni Padre Olan, at magalang ang sagot ng mga sumasampalataya. 

*

Marami ang nag-alay ng mga dasal, at mahaba ang prusisyon sa opertoryo. Lahat ng uri ng handog at alay, dinala ng mga tao sa altar: mangga, singkamas, pakwan, bayabas, atis, kamatsile, manok, mani, isda, bigas, itlog, buwig-buwig na saging.

Taimtim na nanalangin ang lahat. Mararamdaman, halos mahawakan, ang pananampalataya na naghari sa buong simbahan. Masiglang kumanta ang sambayanan kasama ang mga kabataan sa koro. Kahit si Don Beato na hindi relihiyoso, nakiisa sa pag-awit at sa pagbigkas ng kredo.

*

Nang natapos ang liturhiya, halos kalyuhin ang kamay ni Padre Olan sa dami ng kumamay at humingi ng basbas sa kanya. Parang ayaw na siyang bitiwan ng mga pinunong alagad ng parokya. Hinila siya una ng pangkat ng CWL, tapos ng Knights of Columbus, at pagkatapos ng Apostolado ng Panalangin. 

Bago siya nalapitan ng mga kabataan ng koro, sinalubong siya ni Don Beato Yngala na nag-anyaya sa kanyang maghapunan sa mansiyon ng don. Tumanggi si Padre Olan para sa gabing iyon, subalit nangako namang dadalawin niya ang don sa susunod na Miyerkules. Tinapik siya ng don sa balikat at binulungan, “Salamat.”

*

Bago siya pumasok sa kumbento, pinagmasdan ni Padre Olan ang mga tao na malamang ay nakalimot na pista pala ni San Juan Bautista ng Linggong iyon. Masaya sila, at mukhang mas Kristiyano kaysa sa karaniwan. May mga mesa ng pagkaing ihinanda ang CWL at K of C, at ang lahat ay nakibahagi sa kung ano ang meron sila. Mangiyak-iyak ang mga mata ni Padre Olan nang nakita niyang tinanggap ni Don Beato ang nilagang saging na inalok sa kanya ng isang marungis na matanda. Anong himala ang dulot ng natatanging araw ng pagdarasal para umulan sa puso ng mga tao? 

*

Tiningala ni Padre Olan ang langit. Wala ni isang manipis na ulap. Wala kahit anong palatandaan na darating ang hinihinging ulan. Hindi na niya pinigilan ang pagtulo ng kanyang luha.

***

I will reserve the last movement of the story for our conclusion on Wednesday.

It is a most magical moment in the story.

It’s the ending with a punch.

And it also satisfies my personal challenge to start the story with the word “una” (first) and end it with “Diyos” or “Dios” (God).

*

The last paragraph above is a pretty good ending, albeit sad and tragic.

It also ends with the word “luha” (tears).

I have written it exactly as an alternative ending.

And everything works until here.

But I also want modern literature to celebrate miracles and surprises.

So, get ready for the glorious ending on Wednesday. (To be continued/PN)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here