Mindanao sends love

WE START June with a virtual lovefest from Mindanao. And everybody’s talking about “Si Padre Olan kag ang Dios.” But each has a very interesting take on the story, so I’m publishing them side-by-side. Well, you know, M-W-F.

Our first bite is Pregonir’s delectable essay in Filipino. (The other two in the Mindanao series will be in English.) When I excitedly posted the essay on Facebook last month, I was flooded with messages saying how wonderful the essay was, and would I please share the Padre Olan story?

I thought, Duh! Panay News serialized Padre Olan in Celia Parcon’s brilliant English translation from April 17 to 29! But I try to be kind, so I refer them to my website, www.petersolisnery.com, for the original Hiligaynon version. Anyway, I’m very grateful that Pregonir’s essay brings new readers to Padre Olan. Thank you, Adrian!

*

Kabataan Sanaysay winner at the 2019 Palanca Awards and part-time radio reporter Adrian Pete Medina Pregonir from South Cotabato hopes to pursue AB Wika at Panitikan in college.

*

Ang Himala ng Kuwentong “Si Padre Olan kag ang Dios” ni Peter Solis Nery sa Mambabasang Pilipino 

Isang panunuring pampanitikan 

ni Adrian Pete Medina Pregonir 

*

May milagro nga ba? Nakabuod iyan sa kuwentong “Si Padre Olan kag ang Dios” ni Peter Solis Nery, isa sa mga pinakamahalaga at premyadong manunulat ng Filipinas. Sa kuwento, sinukat ng mga parokyano ang pangunahing tauhan na si Padre Olan na mamuno ng isang natatanging araw ng panalangin para umulan dahil sa matagal na El Niño sa Buenavista, Guimaras. Isang makatotohanang ganap na nagpapakita ng malalim na espirituwal na pagdalumat sa paniniwala ng mga Romano Katoliko.

Ito ang kuwentong hindi na kailangang idekstros dahil hindi intensiyon ng kuwento na sabihan ang mambabasa kundi dahil ito mismo ang mukha ng paniniwala batay sa pagsipat ng pinanggalingan ng mga tauhan. May sariling itong lente na nakapagbuo ng mahika mula sa punto de bista ng awtor na bumuo rin ng panig sa mata ng lente ng mambabasa na parang sumasanib si Padre Olan. Nagkaroon ng kakayahang manghatak ng mambabasa ang kuwento dahil sa sopistikadong estilo ng pagsusulat ni Nery. Ito ang manunulat na nagtitipa ng kuwento gamit ang kaniyang lugar at siya ang nagmomonopolyo ng kaniyang lugar upang ipakita kung ano ang yaman, kultura, pamamaraan, at paniniwala ng kaniyang pamayanan.

Mahusay na ipinakita nito ang isang uri ng pagtitimpi sa pagiging ordinaryo lalo na sa paggamit ng katutubong kulay o local color at aspektong kultural na bumalik sa payak na paniniwala. Binabalikan nito ang mga lunan na naging daluyan ng marikit na pagsaysay ng kuwento ni Nery, na sa katunayan ay para bagang kumakain rin ako ng matamis na mangga ng Guimaras dahil sa tinadtad na imahe nito upang balikan ang Kanlurang Kabisayaan.

Mang-aawit ang dating ni Nery dahil sa buong tapang nitong ipinakita ang melodiya ng pagtitimpi, lakas ng loob, paniniwala, pakikibaka at karanasan ng mga tauhan. Napakalakas ng boses at pinag-isipan ang bawat linya upang mailarawan ang pagkatao ni Padre Olan. Tumindig talaga ang balahibo ko (totoo, pramis!) nang nabasa kong makunyat na pinukaw ni Nang Paquit si Padre Olan: “Padre, tuluka ang kalangitan! Tan-awa sa bintana!” nagapalangudog si Nang Paquita. Nagatulo ang iya mga luha sa kakunyag. “Milagro, Padre! Milagro!”Sa linyang ito napaluha ako sa saya, at ito ang emosyon na pinanindigan ni Nery sa kaniyang modo. Kayanig-yanig ang pagsalpok nito sa mukha ko bilang mambabasang Pilipino dahil marahil hinabi ito sa malutong at ebokatibong Hiligaynon. 

Sari-sari ang nahabing emosyon sa kuwento na bumuo ng espisipikong karanasan kaya nagkakaroon ito ng impak pang-unibersal (talagang hindi lamang ito kuwentong pang-Filipinas) at gayong pinagtahi-tahi ito ng panahon upang maipalabas ang anyo ng modernong panitikan sa sining ng kuwentong panrehiyunal. Pinagsama-sama ito ng katotohanan ng maliliit na sirkulo at hibla ng mga monumental na pagtingin.

Tinuruan tayo ng kuwentong ito na maniwala sa Diyos at huwag sukatin ang Kaniyang kapangyarihang magkusa at magpasiya ng mga bagay at kaganapan, dahil totoong may himala. Gayunpaman, ang sining ng pagsasalaysay ni Peter Solis Nery sa kuwentong ito (na nagwagi ng unang gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature) ay mayroon pa ring koneksiyon sa kasaysayan at kasalukuyan, at maging sa paniniwala. Gusto kong palaging pag-usapan itong klasikong kuwento na malaki ang ambag sa ebolusyon ng Panitikan ng Filipinas. Walang pangako si Peter Solis Nery, kundi ang magkuwento lamang, at sa kaniyang matalas na pagkuwento ay nabubuo ang himala sa isipan ng mambabasa./PN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here