
“…the electoral system—the main cog in the democratic machine—is itself a legitimizing mechanism that serves to entrench those who already possess power in the community.” — Florin T. Hilbay, Unplugging The Constitution
MAY LISTAHAN. May sobre. May lamang pera ang sobre. Nakasulat sa listahan ang pangalan ng mga botante. Ang sobre ay binibigay sa mga tao, sa mga supporters. Ang sobre ay kusang tatanggapin (sayang din naman).
Alam ng lahat ang ganitong uri ng kalakalan. Naging tradisyon na nga. Wala ng nagugulat kung mamimigay ng pera ang isang kandidato. At wala ring magagalit kung tatanggapin mo ang perang ito.
Pero may mga matatalino na ayaw nito. Dapat prinsipyo ang pinaiiral. Dapat ang karapat-dapat ang pinipili. Dapat hindi tinatanggap ang sobre.
Mahirap maging matalino tuwing eleksiyon. Mapagsasabihan ka lang na isa kang ipokrito. Na feeling self-righteous. At hindi talaga nakaiintindi sa sitwasyon ng nakararami.
Sino ba ang bobong botante?
Sila ba yung tinatawag natin na mahirap? Ang mga taong nakatira sa barong-barong? O ang mga bobong botante ba ay di-kotse rin? Nakapagtapos sa kolehiyo at kayang bumili ng iced coffee?
Ang botante ay nagiging bobo kung ibinoto niya ang artistang walang alam, ang isang trapo, o ang isang mandarambong.
Ang botante ay maituturing na matalino kung ang kandidatong kanyang pinili ay may magandang plataporma at may panindigang nakabubuti sa lipunan.
Sugal ng mga negosyante
Kung ang kandidato ang nagbibigay sa botante, ang negosyante naman ang nagbibigay sa kandidato. Kung ang botante ay tumatanggap ng pera galing sa magkatunggaling kandidato, ang negosyante naman ay nagbibigay ng suporta sa magkabilang kampo.
Sa usapang eleksiyon, nawawala sa diskurso ang papel na ginagampanan ng mga negosyante o korporasyon. Kakambal ng politika ang negosyo. Sa kagaya nating mga karaniwang tao lamang, mahirap alamin ang “power in tandem” na ito. Ang galaw at impluwensiya ng pera ay nanunuot sa lahat ng sulok ng ating sistema. Ang kapangyarihang ito ay nakagagawa ng mga programang lumalason sa ating isipan—na hindi natin namamalayan.
Pero anuman ang maging resulta ng eleksiyon, parating panalo ang mga negosyante o korporasyon.
Sariling pagbabago
Mahirap kalabanin ang katangahan. Hindi kayang tapatan ng katotohanan ang perang ipinamimigay tuwing panahon ng pagkakampanya. Walang halaga ang prinsipyo pagdating sa pagiging praktikal sa buhay. Sa taong naghihikahos at nangangailangan ng pera ngayon, walang kuwentang pag-usapan ang kinabukasan.
Madaling sabihin na bobo ang ibang botante dahil parang napakasimple lang naman ang pagiging isang matalinong botante: botohin ang mga matitino at mapagkakatiwalaan at huwag botohin ang mga kandidatong ginawang showbiz career, family business, or power tripping ang posisyon sa gobyerno.
Madali ring sabihin kung papaano mapanatiling malusog ang ating isipan at katawan: kumain ng gulay at prutas, mag-ehersisyo, iwasan ang bisyo at stress, magdasal, maging mapagmahal—kahit sa mga kaaway, at magtrabaho ng may integridad at dedikasyon. Parang ang simple rin nito.
Simple ring sabihin kung papaano natin makakamit ang tagumpay sa buhay: huwag tatamad-tamad, gawing maigi ang mga tungkulin, at iwasan ang pag-tsismis at social media kung oras ng trabaho. Parang napaka-obvious at common sense ang mga ito, kagaya ng pagboto ng tama.
Nahihirapan akong pagsabihan ang iba sa kanilang mga kamalian dahil alam kong may mga kamalian din ako. Isa nalang talaga ang kaya kung ipayo: huwag umasa sa iba.
Huwag umasa sa iba
Responsibilidad naman ang ating pagtuunan ng pansin. Hindi puro Kalayaan at Karapatan lang.
Matitigas ang ulo ng mga tao: kamote riders, scammers, abusive vloggers, fixers, hangers-on, bashers, at marami pang mga katulad nila na garapalang nilalabag ang batas dahil malaya nilang nagagawa ang kanilang gusto. Ginagamit nila ang kanilang kalayaan kahit na ikasisira ito ng iba.
Paano tatapatan ang sobreng galing kay kapitan? Subukan mong linangin ang mapaglayang kamalayan. To be truly free and independent. Dahil alam mo na kaya mong kayanin ang anumang ihaharap sa’yo.
Pero minsan, pati sarili natin, ayaw na rin nating paniwalaan. At imbis na suriin at itama ang ating mga kamalian at punan ang ating mga pagkukulang, tayo ay abala sa pagpuna at pag-husga sa kasalanan at kakulangan ng iba. Nakapagtataka.
“Mapagkunwari! Alisin mo muna ang mala-trosong puwing sa iyong mata, nang sa ganoon ay makakita kang mabuti para maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapwa.” – Mateo 7:5, Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)/PN