
“One day, in retrospect, the days of struggle will strike you as the most beautiful.”— Sigmund Freud
SINIMULAN kong mag-journaling noong taong 2005. At naging nakagawian ko nang magsulat bilang bahagi ng aking buhay. Madalas ko itong ginagawa pagkatapos ng trabaho, o bilang isang ritwal sa pag-uumpisa o pagtatapos ng isang gawain.
Matatawag ko rin itong isang therapy. Isinusulat ko ang aking mga plano sa buhay at ang mga naging resulta nito. May mga pagkakataon na ang aking naisusulat ay tungkol sa aking mga problema. May mga araw naman na isinasalaysay ko ang mga tagumpay na aking nakamit.
Ang sarap sa pakiramdam na mabasa na ang mga pinapangarap ko lang noon ay tinatamasa ko na ngayon. At nadidismaya naman ako pag nabasa ko ang aking mga kamalian na hindi ko maayos-ayos.
Ba’t ganun? Bakit hindi ko pa rin maalis ang mga di-kanais-nais kong pag-uugali? Kahit na alam ko na siguradong gaganda ang aking buhay kung matanggal ko lang sa aking sistema ang mga ito, hindi ko pa rin ginagawa.
Sa loob ng dalawang dekadang pagsusulat ng aking mga karanasan sa buhay, marami na rin akong natutunan.
Ang pagbasa sa mga kaganapan o saloobin ko noon ay maituturing ko na ring isang pag-aaral. Mas lalo kong nakilala ang aking sarili.
Ang lima o sampung taon na parang kisapmata sa bilis
Naalala ko ang pagkuha ng life insurance na may 10 years to pay ang premium. Sabi ng agent, “Sir, dasig lang na ang ten years.” At natapos na nga ang sampung taon. Naalala ko rin noong kumuha ako ng sasakyan na may five years ang payment. At natapos ko ring bayaran ang lahat-lahat.
Mararamdaman mo rin kung gaano kabilis ang mga taon pag ikaw ay isang guro. Mababasa mo nalang sa Facebook na ang hayskul student mo noon ay college graduate na pala. May guro ako noong hayskul na naging estudyante pa niya ang apo ng kaniyang naging estudyante noon. May mga panahon na matutulala ka nalang dahil ilang dekada na pala ang lumipas at hindi ka pa rin nilulubayan ng mga problema.
May mga problema ako noon na hanggang ngayon ay pinipeste pa rin ako kahit ilang taon na ang lumipas. Mababasa mo rin minsan na malayo na rin pala ang iyong narrating.
Pag ikaw ay nag jo-journal, naibabalik mo ang mga gunita ng iyong buhay. At lalong nagiging emosyonal ang pagbabasa kapag sulat-kamay ang mga salita sa mga pahina nito.
Paghahabol sa nakaraan
May mga panahon naman kung saan masarap balikan ang mga nakaraan at ngayon mo lang madadama kung gaano kasaya at kasimple noon. May mga tagpo noon na naging makabuluhan lang ngayon dahil hindi na mauulit. Masasabi mo sa iyong sarili, “Oo nga, talagang ang ganda ng samahan naming magbarkada noong hayskul.”
At dito mo na iibahin ang mga naganap noon. Sa iyong pagbabalik-tanaw, binibigyan mo ng mas nakararapat na dahilan at halaga ang iyong nakaraan. Mga kapilyohan mo noon na ngayon ay naging nakakatawang pangyayari. Mga tao sa buhay mo noon na ngayon mo lang napagtanto kung gaano ka nila kamahal. Mapapangiti ka nalang dahil ngayon mo lang naintindihan na ang mga ginagawa ng mga magulang mo noon na hindi mo pinapansin ay puno pala ng pagmamahal.
Lahat ng mga ito ay puwede mong balik-balikan sa pamamagitan ng pagbasa ng iyong journal.
Papalapit sa katapusan
Ano kaya ang magiging huling pahina ng aking journal? May kapangyarihan ba tayong diktahan ang mga huling kaganapan ng ating buhay? Na dapat ganito ang magiging pangwakas na bahagi ng ating buhay? Na puwede nating bigyan direksiyon ang mga huling sandali na parang isang pelikula o nobela?
Pero paano mo malalaman kung papalapit na ang huling yugto ng iyong buhay? Dahila sa totoong buhay, ayaw din naman nating malaman kung kailan at paano ito matatapos.
At habang papalapit na ang katapusan, mas lalo nating binabaling ang ating pansin sa mga nakaraan. At sa ating pagtanda, ang pagbabalik-tanaw ay hindi lang pag-alala sa mga nagdaan, ito ay nagiging simbolo ng ating buong buhay. At ang maiiwang kuwento sa mga pahina ng iyong talaarawaan ay tahimik na maghihintay ng mambabasa. At ang bawat pahina nito ay mananatiling palaisipan sa kanila./PN






