
“It never ceases to amaze me: we all love ourselves more than other people but care more about their opinions than our own.” — Marcus Aurelius
WAKAS; katapusan; paghinto; wala ng kasunod; ubos na; paalam. Pagbabalik-tanaw; alaala; pagpapasalamat; pagsisisi. Habilin; legasiya; pagpapatuloy; pagsuko.
Kung minsan mabagal ang takbo ng buhay. Pero may mga araw din na masyadong mabilis ang mga oras. Kailan natin masasabi na tamang-tama lang ang pag-ikot ng mundo?
Mabagal man o mabilis ang pag-usad ng ating panahon, pareho lang naman ang kahahantungan nating lahat. Paiba-iba lang ang biyahe.
Noong aking kabataan, napanood ko ang pelikulang The Neverending Story (1984). Hindi ko makalimutan ang eksena kung saan habang nagsasalita ang mga karakter, ang kanilang mga sinasabi ay “sinusulat” sa libro. Ibig sabihin, matatapos lamang ang libro kung wala ng magsasalita.
Ang eksenang ito ang talagang tumatak sa aking isipan. Nakalimutan ko na nga ang kuwento at kung ano ang ending ng pelikulang The Neverending Story.
Bakit kaya? Napatanong ako. Dahil kung totoo lang ang mahikang librong ito, kaninong mga pananalita kaya ang may kabuluhang isulat sa mga pahina nito?
At lalong lumawak ang aking imahinasyon. Kung may iisang libro kung saan isinusulat ang kuwento ng sangkatauhan mula sa pinakasimula ng mga sinaunang pag-uusap at nagpapatuloy hanggang sa ngayon, ano kaya ang magiging kuwento sa pinakahuling pahina nito?
O baka naman may kaniya-kaniya tayong libro kung saan isinusulat ang ating mga sinasabi.
Hindi lang naman pagbabasa
Maiba naman tayo tungkol sa isyung pang-edukasyon. Alam na natin na mahalaga ang pagbabasa. Pinuna na rin natin ang kakulangan sa epektibong pagtuturo ng pagbasa. May mga suhestiyon na dapat pagtuunan din ng pansin ng mga guro, magulang at estudyante ang kahalagahan ng pagbasa ng mga nobela o mga literatura na hindi kasama sa kurikulum pero may angking kalidad ayun sa mga dalubhasa ng panitikan.
Naniniwala ako na ang isang estudyante ay dapat marunong magbasa, magsulat, magsalita, at makinig ng mabuti. At kung may kakulangan man ng suporta o atensiyon sa paaralan, dapat itong punan ng mga magulang o ng estudyante na mismo. Kinabukasan ng mag-aaral ang nakataya rito. Hindi sapat ang magreklamo at maghintay na lang sa sagot ng mga institusyon. May hangganan ang pag-asa.
Subukan mo ding magsulat
Bakit hindi mo isulat ang iyong buhay? Bakit hindi mo subukang magsulat tungkol sa buhay? Hindi naman kailangan na dapat malathala o mabasa ng iba. Hindi naman kailangan na perpekto sa gramatika at award-winning ang iyong mga pangungusap.
Bakit hindi natin sinusulat ang ating buhay? Bakit natin kinokonekta ang pagsusulat sa ating trabaho o mga opisyal na gawain? O bilang isang takdang-aralin o pagsusulit?
Ang natutunan ko kay Gat. Jose Rizal
Bihira lang itong bigyan ng pansin sa usaping pang-edukasyon. Pero isa sa mga dahilan kung bakit naging pambansang bayani si Jose Rizal ay dahil sa dami ng kaniyang mga sinulat para sa bayan at para sa kaniyang sarili.
Natanong ko noon. Bakit kailangan pang isulat ni Rizal ang tungkol sa kaniyang buhay? Alam ba niyang babasahin ito ng mga susunod na henerasyon?
Pero hindi maipagkakaila na ang mga nalalaman natin tungkol kay Rizal ay galing sa kaniyang mga isinulat at sa mga isinulat ng iba tungkol sa kaniya. Kung sadya ngang puro katotohanan o may halong kathang-isip ang ating mga nalalaman tungkol sa kaniyang saloobin ay hindi na natin matitiyak.
Pero ang kuwentong Rizal ay inumpisahan ni Jose Rizal sa kaniyang mga isinulat. (Salungat sa kuwentong Hesukristo o Sokrates.)
At dito na nagkakatalo. Dahil kahit tinapos na ni Rizal ang kaniyang pagsusulat, hindi pa rin tapos ang kaniyang kuwento. Dahil walang nag-iisang tanggap na bersyon ng kuwentong Rizal. Mahirap o imposibleng isulat ang kuwentong Rizal ayun sa pananaw ni Jose Rizal. Ang tanging magagawa lang natin ay isulat ang kuwentong Rizal ayun sa ating iba’t-iba o magkakatulad na pananaw.
Kuwentong tiyak
Ikaw na siguro ito. Ang pag-uusapan na walang halong kasinungalingan. Walang pagdududa na sasabihin ng iba na binuhay mo ang iyong buhay na punong-puno ng aksyon. Dahil mahirap din ang puro salita lang. Dapat ang mga isinusulat na mga plano ay tinutupad din. Dapat ang mga sariling hinaing ay binibigyan din ng sariling lunas. Huwag maging pabigat. Mahiya ka naman.
Dahil dito rin naman tayo nagkakatalo. Hindi tumutugma ang ating mga sinasabi sa ating mga ginagawa. At huwag naman magpadalos-dalos. Ang iba diyan ay “muntikan nang maging kuwento.”
Pero sa gusto man natin o sa hindi, may huling pahina ang kuwento ng ating buhay.
“Ano kaya ang laman ng huling pahina ng iyong kuwento?”/PN






