
“And to nobody’s surprise, the person who complains the most is also the one who does the least amount of work.”
BAKIT BA tinatamad ang isang tao? May karapatan ba ang iba sa atin na maging tamad?
Sa kabilang banda, bakit may mga tao naman na sadyang masipag? Ito yung mga nilalang na kusang maglilinis ng bahay o magtatrabaho kahit masama ang pakiramdam. At madalas, sila yung naiirita sa mga tamad o ang palaging nagrereklamo sa kabagalan ng iba. Ang mga tamad naman ay kadalasang yun pa ang walang stress sa buhay. Sabi nga nila, “Pareho lang naman ang tatanggapin mong suweldo, ba’t ka pa magpapagod ng ganyan?”
Oo nga naman. May katuwiran din ang pagdadahilan kumbaga. Pero sapat na ba na dahilan ang katamaran ng iba o ang hindi tamang pagbigay ng nakararapat na rekognasyon ng management para mag desisyon ang isang tao na piliin na lang na maging tamad kaysa maging masipag?
1. Binubuhay ng mga deadlines
Huwag na nating isali ang pagiging tamad sa bahay. Hayaan na natin ang sariling konsensiya na siyang maghusga. Sa opisina o sa trabaho tayo magbigay ng atensiyon. Dahil hindi lang pera, kundi may parusa ring nakakabit sa mga job description na ating sinang-ayunan.
At katulad din ng isang estudyante na nagrereklamo dahil sa dami ng takdang-aralin, may mga empleyado na nagdadabog dahil sa kaliwa’t-kanan na mga utos. Kung kaya nating ipagpaliban ang pagwawalis sa sariling bahay, hindi puwedeng ipagwalang-bahala ang mga gawain sa opisina ng ganoon na lang.
Kaya dapat may deadline, due date, late penalty, progress report, monthly evaluation, demotion, reprimand, promotion, administrative complaint, at kung ano-ano pa na reward and punishment system para hindi maging kultura ang katamaran.
Sa aking trabaho ngayon, aking napagtanto na may ugali akong umiwas sa mga gawain. Naobserbahan ko na kusang pumapalag ang aking utak pag binibigyan ako ng gawain. Kailangan ko pang pagsabihan ang aking sarili at pilitin ang aking katawan na umpisahan at tapusin ang isang bagay.
Nakalilito itong aking pagiging tamad. At nakahihiya kung minsan.
2. Nawawalan ng gana
Puwede ba yun? Na dahil may mga personal kang problema sa buhay ay hindi mo na gagawin ang isang bagay dahil hindi pa naman kailangang tapusin o di kaya ay tapusin nalang ng madalian?
Bihira ang isang empleyado na totoong ipinagmamalaki ang kaniyang trabaho. Kung minsan, gusto ko ring takasan ang aking mga responsibilidad. Kung bakit naiisip ko pa ito kahit na alam ko namang hindi tama ay isang palaisipan.
Isang totoong lason sa buhay ang pagiging tamad. Lason ito na unti-unting sumisira sa ating isipan. Lason na nagdudulot ng mga problema. Lason na masarap tikman ng paulit-ulit.
Halos lahat ng mga sangay ng gobyerno, o mga kompanya ng trabaho, ay may mission-vision-goals na ipinamamahagi sa kanilang mga empleyado. Ngunit ang tanging dahilan lang naman ng pag-ikot ng ating mundo ay ang sahod at mga benepisyo na ating matatanggap.
Siyempre naman, mahalaga ang pera. Pero aking natutunan na hindi kasiguruhan na gagalingan ng todo-todo ng isang empleyado ang kanyang trabaho kung tataasan mo ang kaniyang suweldo.
Mahirap tumbukin ang bahaging ito ng aking buhay. Gusto ko ang mataas na suweldo, pero tinatamad ako sa mga gawain. At kung magkaroon man ako ng hanep sa taas na suweldo, kailangang merong ibang dahilan maliban sa pera kung bakit ko ginagawa ang aking ginagawa. Dito na dapat papasok ang personal mission statement at ang mission-vision-goals ng kompanya.
3. Ingrato (Bakit ganito lang ang suweldo ko?)
Sa kagaya nating nagtatrabaho sa gobyerno o sa isang pribadong kompanya, ang pasahod ay konektado sa isang malawakang sistema na pinagtibay ng ekonomiya, politika, at kultura. Kumbaga, collective at pangkalahatan ang pagtingin o ang dahilan kung magkano ang halaga ng serbisyo o ng oras ng isang tao. Ang pagpapasuweldo ay hindi lang nakabase sa karapatang pantao. Ito ay nakasalalay din sa diskarte, koneksiyon, o natatanging galing ng isang tao.
Imposible na ang lahat ng manggagawa ay bibigyan ng pantay-pantay na sahod. Imposible rin na ibibigay ng kompanya ang lahat ng hiling ng mga empleyado. At masakit mang tanggapin, suntok sa buwan ang mithiin na mawawala ang kahirapan o ang mahihirap na tao sa ating paligid.
At dahil ang daloy ng pera ay pinag-uugnay at pinatatakbo ng malawakang makinarya ng sangkatauhan, isa na rin sigurong himala na kaya tayong buhayin ng sistema kahit na hindi natin lubos na naiintindihan at hindi tayo kailanman man mauunawaan nito.
Kaya ang tanging magagawa ko lang ay ang magpasalamat. At ito ay dahil talagang biyaya rin naman ang suweldong aking natatanggap. At alam ko na kung nais din talagang umasenso ng isang tao, magagawa niya ito.
Ang pagkakataon ay nasa pang araw-araw na gawain. Kailangan lang nating sanayin ang ating sarili na ituring ang ating trabaho bilang bahagi ng dignidad ng ating pagkatao.
Sa pagiging masipag, nirerespeto natin ang ating sariling kakayahan. Sa pagiging responsable, nakatutulong tayo ng lubos sa lipunan. At kung ating bibigyan ng halaga ang tiwala ng taong-bayan sa ating trabaho, ito ay isa na ring hustisya na hindi kailanman matutumbasan ng pera./PN






