
“Our enemies today are not just foreign forces—they include the corruption and apathy we tolerate in our own backyard.
Meaningful freedom does not end just because we are now leading our country—it should motivate us to strive for a more just society. Freedom is not a reward given because our efforts are over—it is a purpose we strengthen every day.”—Chief Justice Alexander Gesmundo on Independence Day, June 12, 2025.
KALAYAAN. Ito na marahil ang salita na niluma na ng panahon. Kung ang salitang ito ay buong pusong hinangad ng mga tao noong kapanahunan ng kolonisasyon, sa anong dahilan naman kaya nararapat na ipaglaban ito ngayon?
May mga bagay na natutunan ko noong aking kabataan na naging mali na ang pagkakaintindi ko ngayon.
1. Una na rito ang pananaw na tanging mga banyaga at dahas ng mga mananakop lang ang nakalalabag sa ating kalayaan. Akala ko noon, hindi kayang kunin ng isang Pilipino ang kalayaan ng kapwa niya Pilipino. Oo nga at may mga Pilipinong mas makapangyarihan sa iba, pero hindi pumasok sa aking isipan na kaya palang gawin ng isang Pilipino ngayon ang ginawa ng mga mananakop noon.
Sa isang banda, naintindihan ko kung bakit ang mga banyaga ay naging marahas sa atin. Pero hindi ko inasahan na magkakaroon din pala ng dahilan ang isang Pilipino na maging taksil sa kaniyang sariling bayan. Na dayain ang kapwa Pilipino dahil sa mga makasariling plano sa buhay.
2. Ang ikalawa ay ang pagsisinungaling sa ngalan ng kabutihan. Ito yung linya kahawig ng paalalang “Pag siya ay nagtanong, huwag mong aminin na isa siyang ampon.”
Noon, buong akala ko ay hindi nagsisinungaling ang mga taong nag mamahalan. Na hindi nagsisinungaling ang mga magulang sa kanilang mga anak. Na marangal ang lahat ng mga salitang binibitawan ng mga guro sa kanilang mga estudyante. Na ang mga tao sa puwesto, ang mga lider natin, at mga tagapagsalita ay walang itinatago sa kanilang mga tagasuporta.
Ngayon, ay aking naintindihan kung bakit nangyayari ang ganitong pagkukunwari. Tayo ay nagsisinungaling hindi dahil sa wala tayong kakayahang magsabi ng katotohanan. Tayo ay nagsisinungaling dahil hindi kaya ng iba na marinig at tanggapin ang realidad ng katotohanan. Na mas pipiliin pa nating mapagbintangang sinungaling kaysa sa makasakit sa iba dahil sa pagiging tapat.
3. At ang panghuli ay ang realisasyon na kahit gaano man kahalaga ang iyong buhay, hindi ito katuwiran para tapakan ang dignidad ng iba. At hindi dahil na kaya mong tulungan ang isang tao ay dapat ka ngang tumulong dahil sa awa. May mga tao na sadyang pinipiling maging api para lang makakuha ng atensiyon at tulong. Ito ay maituturing ding isang pang-aabuso.
Pero mahirap tumbukin kong saan lulugar ang isang tao pag nagigipit. At ito ngayon ang pinag-aaralan ko ng mabuti. Pinag-aaralan ko kung papaano mapanatiling marangal ang aking trabaho na hindi sinasakripisyo ang aking mga personal na plano sa buhay.
Gusto kong maging malaya at nais ko ring maglingkod sa bayan. Gusto kong umasenso sa buhay at nais ko ring makatulong sa iba.
Pero higit sa lahat, dapat ko nang iwasan ang pagiging madrama sa buhay. Gusto kong pangatawanan ang salitang, “Ginusto mo ‘yan, panindigan mo.”/PN






