‘Protesta hanggang balota (sana)’

“Every citizen, regardless of calling, should understand the mechanics and motivations of his government. This must be so because “sovereignty resides in the people and all government authority emanates from them.” It is upon the active involvement in public affairs of every Filipino that the success of the Republic of the Philippines will depend.” — Isagani A. Cruz, former Associate Justice of the Philippine Supreme Court.

PAG-USAPAN natin sa ibang anggulo ang mga kaganapan ngayon. Allow me to play devil’s advocate…

Sana, hindi mabaon sa limot ang mga pangyayari ngayon. Sana, ang pagkatuklas sa nakasusukang korapsiyon sa mga flood control projects ay manatili sa puso’t isipan ng mga Pilipino hanggang sa susunod na eleksiyon.

Ilang ulit na ba? Matatawa ka nalang dahil nananalo pa rin ang mga kandidatong napatunayang nagkasala at nagtaksil sa bayan.

Ang mga korap ay nakaupo sa puwesto. Sila ay nasa puwesto dahil sila ay binoto. Sila ay binoto ng taongbayan. Ang taongbayan ay malayang nagdesisyon kung sino ang iboboto. Para sa bayan. Para sa ikauunlad ng bansa. Para sa ikagiginhawa ng bawat Pilipino.

Setyembre 21, 2025: Trillion Peso March. At ito ang kinahantungan ng ating demokrasya. Ito ang naging resulta ng ating kalayaan. Ito ba ang kalayaan na noon ay ipinaglaban hanggang kamatayan?

Klaro at malakas ang hinaing ng mga tao sa daan at sa social media. Damang-dama natin ang galit at pagkakaisa ng taongbayan. Saksi ang buong mundo sa lahat ng ito. Pero, ano naman kaya ang sagot ng mga korap?

“Kung ako ang may pasimuno ng mga ilegal na gawain, dapat ba akong matakot sa mga rally na ‘yan?”

“Kung ako ay matagal ng nangungurakot kasama ang ilang mga politiko at negosyante, dapat ba akong mangamba sa inyong mga protesta?”

“Ano ngayon kung nagsisigawan kayo sa daan? Ang iba diyan sumali lang para makiuso.”

“Ano ngayon kung nalaman nyo na may talamak na nakawan sa kaban ng bayan? Parang hindi na kayo nasanay.”

“Ba’t ba galit na galit kayo? Eh, wala namang bago sa mga ginawa namin?”

“Ang iba diyan ginawang cosplay ang rally. Ang iba naman ginawang ‘selfie parade’ ang okasyon. At meron pang nakipag-bakbakan sa mga pulis. Hahaha! Katawa-tawa kayong mga Pilipino. Ang tatanga.”

“Sige, rally lang kayo diyan. Alam naman namin na mas nakararami ang mga mahihirap na walang alam sa mga tunay na pangyayari. Dahil pera pa rin ang mananaig sa huli.”

“Ayaw nyo sa korapsiyon. Pero mas gusto nyo naman ang magkapera. Aminin.”

“Habang kayo ay nagpo-protesta at nagsisigawan, pinaplano na namin kung ano ang kalalabasan ng susunod na halalan.”

Ano ang mali sa mga pinagsasabi ng mga korap na ito? Matatalo ba natin ang kanilang sistema sa ating pagmamartsa? Ang tanong, ilang rally pa ba ang raralihin para mapanagot sila? Mas makapangyarihan ba ang katotohanan kaysa sa pera?

Dahil kung kaya nating mag buklod-buklod at buong tapang na tuligsain ang kanilang kalapastangan, kaya rin ng mga korap na ito na bumuo ng sindikato lingid sa ating kaalaman.

Dahil hindi lang naman ang mabubuti ang may talino, ang mga swapang na ito ay may angking talino rin.

Kung gayun, papaano natin mapapanagot ang mga korap nating opisyal sa gobyerno? Magandang umpisa ang pagmamartsa. Pero pagkatapos ng mga rally at mga postings sa social media, ano ang ating isusunod?

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya

Sa pagkadalisay at pagkadakila

Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa,

Aling pag-ibig pa? Wala na nga wala.

— Andres Bonifacio/PN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here