Signal over noise

“When I took my oath of office, I said to myself that my loyalty is not to the appointing power but to the Constitution, to justice, and to the Filipino people.” – Supreme Court Associate Justice Cecilia Muñoz-Palma (1913-2006).

AYUN SA aming law professor sa Political Law Review, may tatlong katangian o paraan para ganap na maging matagumpay ang isang estudyante sa kaniyang pag-aaral ng batas. Dapat ang mag-aaral ay may Faith, Grit, and Determination.

Ang pangarap naming maging abogado o abogada ay nangangailangan ng maraming oras sa pag-upo at pagbasa ng sangkatutak na mga law materials.

Ibig sabihin, kukulangin ka sa tulog at sa oras. Minsan, kukulangin ka rin sa pera. Pero kahit ano man ang mangyari, hindi ka dapat kukulangin sa paniniwala at pag-asa.

Nag-aaral ka ng walang reklamo sa lawak ng coverage na ibinigay at sa taas ng required passing grade. Dahil determinado kang maging isang abogado o abogada, hindi ka na naninibago sa dami ng mga libro at assigned cases.

At hindi ka hihinto sa pag-aaral gaano man kababa ang naging resulta ng iyong mga quizzes, recitation, o exam. Ibig sabihin, mas lalo kang nanggigigil mag-aral para makabawi. Parurusahan mo ang iyong sarili, ika nga. Ikukulong mo ang iyong sarili sa kuwarto. Buong araw (at gabi) kang mag-aaral. Uulit-ulitin mong babasahin ang mga codal provisions. Hindi ka susuko. Wala munang mga social activities. At kape na ang dumadaloy sa iyong mga ugat.

“Every day is a day closer to the Bar Examinations.”

At dahil nga sadyang mapapasubo ka sa laban, kukulangin ang sarili mong lakas. Hindi puwedeng puro kape lang.

Dito na papasok ang ispiritwal na aspeto sa iyong preparasyon. May mga araw na bigla ka nalang mawawalan ng gana. Tatanungin mo ang iyong sarili kung tama nga ba ang naging desisyon mo na kumuha ng abogasiya. Papasok na rin ang self-pity at pagdududa. At aaminin mo sa iyong sarili na kakailanganin mo ng kakaibang tulong. Dasal, tiwala sa Maykapal, at taimtim na pananalig na kahit hindi mo man lubos na nauunawaan ngayon ang lahat, ikaw ay ginagabayan para makamit ang iyong inaasam. Kahit hindi mo man naubos basahin ang mga assigned cases at topics, aatend ka ng klase. Bahala na kung tawagin ka sa recit at mapahiya.

Dahil hindi lang naman talaga batas ang iyong pinag-aaralan, natututo ka ring harapin ng may lakas ng loob ang iyong mga takot at pangamba.

“If others can do it, so can I.”

At puwede rin na mas hihigitan mo pa ang nagawa ng iba. Hindi naman masama ang mag-ambisyon sa ganitong paraan. At wala namang masama kung ibibigay mo ang lahat, na magsasakripisyo ka ng husto para matupad ang iyong mga plano sa buhay.

At meron talagang hindi makakaintindi nito. Kahit anong ingat mo na maging matiwasay ang lahat, may mga tao pa ring hindi magugustuhan ang iyong desisyon. Sulong lang. Kung wala ka namang inaapakan, hindi mo kailangang mag-adjust na lang palagi.

Sa kabilang banda, mahirap mag-aral habang nagtatrabaho. Pero exciting din dahil natututunan ko ng husto ang konsepto ng time management. Umiiba na rin ngayon ang pananaw ko sa buhay. Lalo akong nagiging responsable.

“Imagine, what if you will accept as a fact that you can actually turn your dream into reality? No matter how impossible it may seem?”

At dito ko na gagawin ang “Signal over noise” na pag-iisip. May deadline o due date ang mga pangarap. Dahil hindi naman puwedeng hanggang pangarap nalang ang mga ambisyon sa buhay. At dahil dito, hindi ko na papansinin ang bawat ingay at galaw ng mundo. Magiging bulag, pipi, at bingi ako sa mga (walang kuwentang) kaganapan sa paligid. Ibig sabihin, my actions will strengthen my resolve.

“Clear intention. Undivided attention. Focus, grit, and determination.”/PN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here