Wacky picture

“You can’t learn patience when everything is on time.”

IPAGPALAGAY na natin na ating naririnig ang usapan ng dalawang guro habang naghihintay sa pag-umpisa ng evaluation and deliberation of awards of the graduating students.

Masinsinan nilang pinag-uusapan ang math teacher na, ayun sa mga estudyante, nagbigay ng maraming mababang grado sa Batch 2025. Dahil dito, nag-alala ang ilang mga estudyante na baka madiskwalipika sila sa mga awards.

Lingid sa kaalaman ng dalawa nating guro, marami talagang babagsak sa klase ni math teacher dahil sinunod talaga nito ang grading system at ang mga patakaran ng eskwelahan “to achieve student excellence for global competitiveness.”

Pero iba naman ang paniniwala ng dalawa nating guro. Pakinggan natin sila:

Guro A: “Pag marami ang binagsak ng math teacher na ‘yan, siguradong magagalit ang ating butihing prinsipal.”

Guro B: “Malamang. At sigurado ring marami sa mga magulang ang madidismaya. Ang babait pa naman ng batch na ‘yan.”

Guro A: “At hindi lang ‘yan. May nakapagsabi sa akin na mahilig siyang magbigay ng mababang marka.”

Guro B: “Naku, pag nagkaganon, bababa ang ating mga awardees. Noong nakaraang taon marami pa naman tayong With Honors.”

Guro A: “Ewan ko ba kung ano itong pumasok sa isipan ng gurong ‘yan. Kabago-bagong teacher pero hindi marunong makisama. Matalino nga sa mga numero, pero wala namang damdamin sa sitwasyon ng kanyang mga estudyante.”

Guro B: “Oo nga. Baka naiinggit lang ‘yan dahil nung grumadweyt daw ‘yan sa college, mababa ang kaniyang final grade sa Filipino, kaya hindi nasama sa listahan ng mga cum laude awardees.”

Guro A: “Talaga? Bakit ba siya tinanggap dito?”

Guro B: “Sa pagkakaalam ko, anak daw ‘yan ng dating guro dito na kaklase ng ating prinsipal noong college.”

Guro A: “Aba! Malakas pala ang backer niya. Pero tingnan natin mamaya. Siguradong masasabon siya sa meeting. Pro-student ata ang ating kagalang-galang na prinsipal.”

Guro B: “Tama ka diyan. Talagang matulungin nga ang ating pinakamamahal na prinsipal. Balita ko, pinahintulutan daw niya noon ang isang estudyante na kumuha ng national aptitude test kahit na na late ito ng dalawang oras. Sabi niya, ‘the school is student-friendly. We must empathize with the student’s struggles in life.’”

Guro A: “Ay oo. Narinig ko rin ‘yan. At pumasa ang estudyanteng ‘yon na ngayon ay nag-aaral na sa kolehiyo.”

Guro B: Alam mo rin ba na ang iyong pamangkin ay binigyan ng failing grade ng match teacher na ito noong third quarter?”

Guro A: “Ano? Akala ko ba nagkaroon ng additional performance task para maiwasan ‘yan? Talagang walang puso itong match teacher natin. Wala ba siyang alam sa mental health and depression?”

Guro B: “Hindi yata nakaattend ‘yan sa seminar natin noong summer.”

Guro A: Ang saya natin dun! Ang ganda ng beach. At doon ko pa nakita si…

At biglang naputol ang kanilang usapan dahil pinatawag na sila ng student assistant na pumasok na sa loob ng conference room. Nakapag-umpisa na pala ang deliberasyon. Hindi nila ito namalayan.

Sa kanilang pagpasok, laking gulat nila na si match teacher ay nakatayo sa harap ng grupo katabi ang kanilang kinagigiliwang prinsipal.

Prinsipal: “I was informed this morning that Mr. Ismael P. Salvador was given the highly prestigious Math Teacher Award by the Philippine Math Association for his innovative techniques in teaching his students. Mr. Salvador, thank you for bringing honor to our school. And I’m sure that your father is truly very happy and proud of you right now. To our teachers here, may this award of Mr. Salvador inspire us all. Mr. Salvador, Sir, keep up the good work. We all look forward and pray for your success. We are all proud of you.”

Pagkatapos ng palakpakan, nag group picture ang lahat para ma i-post sa school FB Page. Nagkasalubong (o sadyang sinalubong) ang dalawa nating guro at si Mr. Salvador.

Guro A: Uy sir! Congrats!

Guro B: Sabi ko na nga ba eh. Ang galing mo sir! Idol ka namin!/PN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here