By: Shy Polido
‘Di ko alam kung sa’n ako mas takot –
Sa pagsalubong ba sa bagong dekada
na lulan ang halos toneladang palya
O sa pagsulat ng buod
na dadagdag pa sa alat na nakaburo sa mga sugat.
Ngunit mga hinaing ay kabi-kabila,
Na sa unang ulos pa lang ng taon
ilang nawarak na kahapon na’ng
lumukob sa pagal na pag-asa
na tila makakapal na ulap
na pilit ikinukubli sa munting saya.
Ang dilim ng kahapon
ay walang kaparis;
Ang mga nagdaang araw
Ay mag-iiwan ng alingasaw, sasabit
sa mga hibla ng kasaysayan
ng daigdig.
Sa wari ko pa’ng
panlalamig dulot ng
unti-uting pagpusyaw, hanggang sa
mamatay ang ningas na nakasindi
sa gasera – sabay sa pagsiklab
ng paraiso sa dakong Australia
kung sa’n rin nagpaalam ang milyong
bilang ng mga hayop na kumanlong sa
sa dibdib ng lupa;
Tigang ang lupa
Tatlong-taong uhaw, ‘di ninais ang pagtila
ng ulan, kaya
hayagan ang paggapang ng alab,
tinupok ang balat
hanggang sa naging kulay-luksa.
Nasa wari kong sa kabila ng paglinaw ng usok
ay mas naging mapusok ang apoy –
patuloy sa paghilod sa sugatang linggo;
Mas sumiklab ang dila ng init
nang tumama sa espasyo
sa gitna ng dalawang nagtititigang kampo
Hanggang sa ang ulang pinangarap noo’y
bumagsak ngunit sa ibang anyo;
Umaapoy ang mga misayl na animo’y
nagbabadya sa mas malawak na
tunggalian sa sansinukob;
Ang ngingit ng Iran sa Amerika kawangis
ng ngitnigit ng huli sa una
ang yumugyog sa lawak ng masa
at nagdulot ng kakaibang pangamba.
Ang pagyanig ng takot
ay inakalang magtatapos
ngunit ang mga walang kamuwang-muwang
ang nadamay sa sigalot;
Tinayang 176 buhay ang sa halip natapos
nang lumisan sa himpapawid ang
eroplanong ‘di man lang nakasagot
sa tugon,
may kanya-kanyang misyon ang nakalulan
ngunit nagwakas lang sa “human error”
kung tawagin ng Iran.
Subalit at
nagkahawaan
na pati balat ng Pilipinas ay nakaramdam
ng pangungulubot dahilan
sa pagsabog ng Taal
tangay-tangay ang milyong
kabuhayan
at ilang buhay –
sabay sa paglisan ng mga mamamayan
sa pook na kinagisnan,
habang patuloy sa pagdighay
ng usok ang bibig;
kaya’t napuno ng takot ang mga matang
nakatitig na lang sa kawalan.
Ngunit sa wari’y ‘di nagtatapos
ang siphayo
bagama’t panibagong ganap
ang bumalandra sa mga pahayagan
nang dumapo sa Tsina ang sakit
na ninuma’y ‘di inaasahan
hanggang niyanig na rin nito ang
humihingal pang baga ng aking bansa
O, kailan pa mapipigilan ang sigwa?
At sa patuloy na pagbabad
sa tila naunsyaming dikta ng palad
ay ang patuloy ring pagbagsak ng manggas
dahil ‘di man lang naramdaman
ang bilis na paggulong tungo sa susunod na buwan.
Saglit–
Isa pang subalit
dahil sa mga palahaw na naririnig
sa paglisan – hindi ng kulo ng sikmura –
kundi ang inidolong kilala sa kapit sa bola
kasama ang anak matapos ang
isa pang pagbagsak
lulan,
lulan ang napakalaking pangarap;
Ang mukhang tinitigan nang
may labis na paghanga’t
ngayo’y
babalik na sa lupa.
At mismo ikaw,
sa buod ng Enero’y marami ka ring pinagdaananan…
Paalam…
Sa’n ka magpapaalam?
Sa unang buwan na lumunod
sa kasiyahang pinangarap
sabay sa mga paputok na hinintay
sa pagpasok ng bagong kabanata
O
Sa nalalabing labing-isang buwan
na ‘di tiyak ang patutunguhan?
Nawa’y pinili mo ‘yung una,
sapagkat ang bawat bukang-liwayway
ay may hatid na pag-asa,
Na sa bawat paggising
ay makikita
ang noong munting
ningas na patuloy pa ring aapoy sa sigla;
at nawa’y nasa wari mo ring
iyong nalampasan ang mabibigat na pagsubok
mula sa umpisa
kaya mas handa ka pang harapin ang
mga ulap na nakatakdang darating pa.
Pinanday ka ng pagsubok
kaya mas nagiging matatag ka
Sinugatan ka man ng hamon
Ngunit tuloy ka pa rin sa pagbangon.
Unang buwan ng taon,
mabigat na kahapon
at ngayong huling araw ng Enero
hindi lang isang buntung-hininga
sa pagwawakas
kundi isang hamon sa sarili
na patuloy pang haharapin –
nang may umaapoy na hangarin
ang mga susunod na bukas.
At ako,
‘Di ko alam kung sa’n ako mas takot no’ng una,
Ngunit ngayon
alam kong mas takot pala akong mawalan ng pag-asa.
Maligayang araw! Kaya mo ‘yan! Hiling ko ang iyong tagumpay sa mga susunod na buwan!/PN






