[av_one_full first min_height=” vertical_alignment=” space=” custom_margin=” margin=’0px’ padding=’0px’ border=” border_color=” radius=’0px’ background_color=” src=” background_position=’top left’ background_repeat=’no-repeat’ animation=”]
[av_heading heading=’LETTER TO THE EDITOR’ tag=’h3′ style=’blockquote modern-quote’ size=” subheading_active=’subheading_below’ subheading_size=’15’ padding=’10’ color=” custom_font=”][/av_heading]
[av_textblock size=” font_color=” color=”]
Sunday, October 22, 2017
[/av_textblock]
[av_textblock size=’18’ font_color=” color=”]
LEHITIMO at makatuwiran ang panawagang ibasura ang jeepney phaseout at ipatupad ang isang tunay na modernisasyon tungo sa pagsasabansa ng ating mass transport system. Pinatunayan ito ng paglahok ng mayorya ng mga drayber at operator, at ng malawak na suporta ng mga mananakay, sa inilunsad na dalawang araw na pambansang tigil-pasada na nakapagparalisas ng higit 90 percent ng operasyon ng mga jeep sa buong bansa.
Gayunpaman, sa halip na dinggin ang aming lehitimo at makatuwirang panawagan, ay pagbabanta, pananakot, pandarahas, pang-iintriga at pagmumura pa ang naging tugon ng gobyernong Duterte sa ating mahihirap na mga drayber, operator at mananakay.
Sa harap nito, hayaan niyong ilahad namin sa komiteng ito kung bakit naming ipinaglalaban an gaming kabuhayan at ang kabutihan ng ating mga mananakay.
Sa mahabang panahon, inabandona ng gobyerno ang konstitusyunal nitong tungkulin na maghatid ng ligtas, mahusay at abot-kayang pangmasang transportasyon bilang isang pampublikong serbisyo sa mga mananakay at mamamayan.
Ang dapat na serbisyo, ginawang malaking negosyo. Buong-buong ipinamigay ang sistema ng pampublikong transportasyon ng bansa para gawing gatasan ng malalaking dayuhan at lokal na pribadong korporasyon.
Ang resulta, isang atrasado, nabubulok at napakamahal na sistema ng pampublikong transportasyon na hindi lamang palpak sa paghahatid ng serbisyo, naglalagay sa alanganin sa kaligtasan ng mananakay, ay pasanin pang tinutustusan ng taumbayan sa pamamagitan ng ating mga buwis. Tingnan niyo na lamang po ang MRT at LRT.
Anumang programang nakabalangkas sa pagabandona ng gobyerno sa tungkulin nito at pagpapaubaya sa serbisyo publiko bilang pribadong negosyo, ay hindi modernisasyon kundi lalo pang pagbulok sa ating mass transport system. Sa ganitong batayan, malinaw na walang programa para sa modernisasyon ang kasalukuyang administrasyon.
Ang iwinawasiwas ng Department of Transportation na Omnibus Franchising Guidelines ay hindi modernisasyon kundi isang iskema para makabenta ng sasakyan ang malalaking dayuhang korporasyon gaya ng Toyota, Mitsubishi at Chrysler. Layunin lamang nitong pilitin kaming bumili ng mga bagong unit na hindi namin kayang bayaran, at gamitin ang pondo ng taumbayan para ibaon habang buhay kaming ibaon sa pagkakautang.
Sa halip na modernisasyon, ang programa ng gobyerno ay ibayo pang pagbibigay ng monopolyong kontrol ng buong sistema ng pampublikong transportasyon sa malalaking negosyante sa gaya ng mga Ayala, mga Pangilinan, mga Aboitiz at mga Cojuangco. Nauna nang kinontrol ng mga ito ang ating mga tren, mga bus, mga barko. Ngayon, gusto na ring agawin pati ang kabuhayan naming maliliit na drayber at operator at gawing gatasan ang ating mga mananakay na manggagawa, maralita, mga estudyante at ang sambayanang Pilipino.
Ang programang ito ay magdudulot lamang ng pagmasaker sa kabuhayan ng higit 600,000 drayber at 250,000 operator ng pampasaherong jeep, gayun din ng iba pang impormal na kabuhayang nakabatay sa operasyon ng mga jeep. Higit sa lahat, pahihirapan nito ang ating mga mananakay sa mas mahal at di maawat na pagtaas ng pamasahe. Hindi rin ito ang solusyon sa matinding problema sa trapiko at polusyon sa bansa. Lahat ng ito, alang-alang lamang sa tubo ng iilang malalaking dayuhan at lokal na negosyo.
Nais po naming linawin, hindi mga pampasaherong jeepney ang problema. Ito ang inianak ng problema ng sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa na binulok at ginatasan ng mga pribadong korporasyon. Sa katunayan, ang pag-arangkada ng ating mga jeep ay sariling inisyatiba ng maliliit na drayber, operator at manufacturer para tugunan ang kawalan ng pangmasang transportasyon sa bansa.
Sa mahabang panahon, sariling inako ng maliliit na drayber at operator ng jeepney ang inabandonang tungkulin ng gobyerno na maghatid ng mura at episyeteng serbisyo sa mahihirap nating mananakay. Hindi kailanman nakatanggap ng anumang suporta mula sa pamahalaan, sa halip, ginagawa pa nga kaming gatasan ng kaliwa’t-kanang paghihigpit at napakatataas na mga kotong na multa at bayarin. Kaya hindi kailanman magiging makatuwiran na basta na lamang kami aalisan ng kabuhayan para sa mopolyong kontrol ng iilan.
Nais din naming linawin, hindi kami tutol sa modernisasyon. Sa katunayan, ang isinusulong naming ay isang tunay na maka-masa, maka-bansa at demokratikong modernisasyon ng buong sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa. Ang tinututulan naming ay ang pagmasaker sa aming kabuhayan at pagpapahirap sa mananakay at sambayanan alang-alang para gawing gatasan ng iilang mayayaman at makapangyarihan at ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Mula rito, iginigiit namin ang aming panawagan na ibasura ang Omnibus Franchising Guidelines at ang iskemang jeepney phaseout at sa halip ay magbalangkas ng isang tunay na programa ng modernisasyon na inklusibo, sustenable, demokratiko at maka-mamamayan na nakadireksyon tungo sa pagtupad ng gobyerno sa tungkulin nitong maghatid ng abot-kaya, ligtas at episyenteng sistema ng pampublikong transportasyon. – GEORGE SAN MATEO, national president, Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper and Operators Nationwide
[/av_textblock]
[/av_one_full]






