
BUMABANDERA pa rin Ang Supremo ng Senado na si Senador Lito Lapid sa pinaka-huling survey ng Social Weather Station(SWS) para sa mga Senatorial bet sa nalalapit na midterm elections.
Sa survey nasungkit ni Lapid ang number 3 hanggang 5 spot dahil sa 33 percent ng mga respondent ang boboto sa kanya sa 2025 elections.
Kung tutuusin, nagtabla sa una at ikalawang pwesto sina Sen. Bong Go at Cong. Erwin Tulfo na kapwa may 42% habang ikatlo hanggang ika-apat na rank sina Ben Tulfo at Tito Sotto na kapwa may 34%.
Isinagawa ng SWS ang face-to-face interviews nitong March 15-20, 2025 sa may 1,800 registered voters mula edad 18 pataas.
Sa isang panayam sa Malolos, Bulacan, todo pasalamat si Senador Lapid sa Panginoon at sa mga kababayan nating patuloy na nagmamahal at sumusuporta sa kanya.
Pangako ng Senador, ipagpapatuloy niya ang tapat na paglilingkod at pagsusulong ng mga panukalang batas para sa mahihirap nating kababayan.
“Natutuwa ako at nagpapasalamat unang-una sa ating mahal na Panginoon at sa ating mga kababayan sa buong bansa. Patuloy ang suporta nila sa akin at pagmamahal. At yan po ay susuklian ko rin ng pagseserbisyo sa kanila at mamahalin ko lalo sila, lalong-lalo na po ang mga mahihirap na kababayan natin,” dagdag ni Lapid






