
IF YOU HAVE been following this story from my Nov. 11 column, you are in for a special treat.
This is probably my most favorite part of the story.
I will now let the story speak for itself.
*
Si Padre Olan at ang Diyos
© Peter Solis Nery
(Continued)
*
Si Padre Fritz Dayaday, ang kalihim ng arsobispo, ang sumalubong kay Padre Olan sa Palasyo ng Arsobispo na naghahari sa harap ng Jaro Plaza. Si Padre Fritz ang nagbigay ng palayaw na Olan kay Padre Roland. Halos magkasabayan silang nag-aral ng pilosopiya at teolohiya sa seminaryo noon; mas nauna lang na naordinahan sa pagkapari si Padre Fritz.
Naantala ang nombramiento ng arsobispo ng Huwebes na iyon kaya para maibsan ang paghintay, inasikaso muna ni Padre Dayaday si Padre Olan sa kanyang naka-aircon na tanggapan.
*
Matalik silang magkaibigan, parang kapatid na ang turing sa isa’t isa—dahilan kung bakit ipinagtapat kaagad ni Padre Olan ang suliraning gumugulo sa kanyang isipan. Isinalaysay niya ang problema na ihinain sa kanya ng mga sumasampalataya at ang kanyang kutob na pinagkakaisahan siya ng lahat sa kanyang parokya.
Magalang na nakinig si Padre Fritz, ngunit sa bandang huli, hindi na siya nakapagpigil at nagsabi, “Sa maniwala ka at hindi, naniniwala ako sa milagro. Iyang estatwa na lang ng Mahal na Birhen sa harap ng katedral, makapagpapatunay ako sa kahiwagaan niyan.”
*
Sinasabing milagroso ang lumalaking estatwa ng Nuestra Señora de la Candelaria. Mula raw sa isang talampakan nang matagpuan ito ng mga mangingisda sa Ilog ng Iloilo noong 1587, umabot na ngayon sa mahigit dalawa at kalahating talampakan ang taas ng estatwa. At simula nang koronahan ito ng Santo Papa noong 1981, makatatlong beses na raw pinalakihan ang kanyang ginintuang korona.
Dagdag pa, at ito’y pinaninindigan ni Padre Fritz na talagang nakasaksi ng mga pangyayari, noong balak ilipat ang estatwa para ilagay sa balkonaheng sadyang ipinagawa para sa pagdalaw ni Santo Papa Juan Pablo Segundo noong 1981, tatlong beses na raw na nalagot ang kadenang ginagamit sa pagpapababa ng estatwa ng Mahal na Birhen de la Candelaria. Naging lubhang mabigat ang estatwa at hindi raw makayanang buhatin ng sampung tao.
*
Kung hindi pa raw pinakiusapan ang yumaong si Arsobispo Alberto Piamonte na daluhan ang paglipat at amuin nito ang estatwa, hindi naisakatuparan ang paglipat. Ayon kay Padre Fritz, siya ang nagpabihis kay Monsignor Piamonte ng full clerical regalia ng obispo, at bilang “prinsipe ng simbahan,” gayon lamang at nakisuyo ang arsobispo sa “Reynang estatwa” ng Mahal na Birhen de la Candelaria na sana naman ay mangyari nang magpabuhat ito patungo sa kanyang bagong “trono.” Pagkatapos bulungan ng arsobispo ang estatwa, nabuhat ito ng tatlong tao lamang.
*
“Naniniwala rin ako sa himala,” sambit ni Padre Olan.
“Pero bakit nag-aalala kang tumaya ng lahat para sa himala ng ulan?” Hindi na naman napigilan ni Padre Fritz ang kanyang napakabilis na dila.
Paano niya sasalungatin si Padre Fritz? Paano niya ipaalala na sa kapangyarihan at kagustuhan ng Diyos ay maaring mabago ang takbo at ikot ng mundo? Paano niya ipaalala na hindi ang kapangyarihan ng Diyos ang sinusubukan dito, kung hindi ang kaisipang kaya ba nating baguhin ang kagustuhan ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga panalangin?
*
Ang Diyos ni Padre Olan, hindi diyos ng mumunti at walang kabuluhang mga bagay. Batid na ng Diyos na kanyang pinaniniwalaan ang mga pangangailangan natin sa araw-araw. Ang Diyos ni Padre Olan ay nagpapatawad ng mga kasalanan ng sanlibutan, nagbibiyaya ng kapayapaan, muling bumubuhay ng mga nangamatay, at nagdadala ng mga kaluluwa sa walang hanggang luwalhati ng langit.
May katuwiran ang Diyos ni Padre Olan kung bakit naghihirap tayo sa El Niño at iban pang mga sakuna. Lingid kay Padre Olan ang mga kadahilanang ito, ngunit wala siya sa katayuan para alamin ang isip at kalooban ng Diyos. Basta, naniniwala at nananalig lang siya na hindi nakalimot ang Diyos sa Kanyang mga nilikha. Hindi natutulog ang Diyos na maari nating gisingin sa pamamagitan ng ating mga panalangin.
***
Nang handa na ang arsobispo para sa kanya, hinatid ni Padre Fritz si Padre Olan sa tanggapan ni Arsobispo Angel Lagdameo.
Parang batang nagsumbong kay Monsignor Angel si Padre Roland Javellana. Napakabigat ng krus na kanyang pinapasan. Gulung-gulo ang kanyang isipan, at nagkahalu-halo ang kanyang nararamdaman. Nananampalataya siya sa Diyos, ngunit hindi siya naniniwala na kailangan pang ipaalala sa Diyos sa pamamagitan ng mga dasal na kailangan ng mga tao ang ulan. Handa man siyang makiisa sa mga tao sa panalangin, hindi niya mapayagang diktahan ng mga nananampalataya ang pagpapatakbo ng simbahan. Lalo na kung ang sambayanan ay nasusulsulan lamang ng makapangyarihang mga negosyante katulad ni Don Beato Yngala.
*
Hinayaan lang siya ng arsobispo na makapagpalabas ng kanyang mga hinanakit. Pagkatapos, nang huminahon at naayos na ni Padre Olan ang sarili, tinanong siya ng mahinahong monsenyor, “Ano ang kinakatakutan mo, Padre Olan? Natatakot ka bang subukan ang iyong pananampalataya?”
“Subalit, Monsenyor,” parang bata ang tinig na lumabas sa bibig ni Padre Olan kaya pilit niyang pinalaki ang kanyang boses, “paano kung hindi umulan? Paano kung gagawin ko ang lahat na gusto ng mga tao at hindi pa rin umulan?”
*
“Magtiwala ka, Padre Olan. Manalig ka na parang batang musmos. Naniniwala ako na kung hihilingin natin, ibibigay ng Mahal na Poon ang ulan.”
“Subalit paano kung hindi ako magtagumpay?”
“Hindi ikaw ang mabibigo. Ang Diyos! Ang Diyos ang mabibigo kung buo sa iyong pananampalataya na ibibigay Niya ang pinapanalangin mo, at hindi ito matutupad.”
“Monsenyor!”
Lubhang ikinagulat ni Padre Olan ang kanyang narining mula sa arsobispo, ngunit tumango lang si Monsignor Lagdameo, ang katiwala ni Kristo at prinsipe ng Simbahang Katoliko sa Jaro. Magkagayon pa man, naramdaman ni Padre Olan ang katapatan, ang simple at napakalalim na pananalig ng arsobispo sa Mahabaging Diyos. (To be continued)/PN




