‘Tao sa kalye; politiko sa korte’

“Politics is the art of making your selfish desires seem like the national interest.” —Thomas Sowell

BAKIT kailangan pang pumunta sa kalye at ipagsigawan ang kanilang mga katiwalian? Bakit kailangan pang maantala ang ating trabaho dahil sa nangangailangan pang mag-rally para mabigyan atensiyon ang mga problema ng ating bayan?

Umasa ako na, dahil pinagkatiwalaan natin sila na alagaan ang mga mamamayan, magiging matiwasay na ang lahat. Ba’t ganun? Ang mga taong inaasahan natin na magbibigay ng lunas sa ating mga problema, ay siya pang nagpapalala sa ating sitwasyon.

Kung ang taong dapat tutulong ay hindi pala maaasahan, saan pa tayo hihingi ng tulong? Nasa kalye ba ang tamang lugar ng hustisya?

Dahil akala ko, pagkatapos ng eleksiyon at pag nakaupo na sila sa puwesto, gagawin na nila ang kanilang sinumpaang tungkulin. Ibig sabihin, habang tayo ay nagtatrabaho para mabigyan ng pondo ang gobyerno sa pamamagitan ng ating buwis at pawis, sila naman ay magtatrabaho sa pamamagitan ng pagbibigay ng karapat-dapat na mga serbisyong makatutulong sa ating lahat.

Bakit hindi nila ginagawa ito? Bakit marami sa kanila ngayon ay nagtuturuan kung sino ang may kasalanan? Kung inosente pala silang lahat, ano pa ang silbi ng mga pagdinig? Kung gayun, baka nasa kalye nga ang tamang daan at pamamaraan para mailantad ang mga may sala.

To our “honorable” public officials:

Kayo dapat ang umaaksiyon. Kayong binoto namin. Kayong nanumpa na paglilingkuran ang taongbayan. Kayong may kapangyarihan na makabibigay ng lunas sa mga problema ng ating bansa. Kayong may pananagutan sa batas at sa tao. Dahil, di ba, tumakbo kayo noong eleksiyon dahil gusto ninyong makatulong sa bayan?

Sino ba ang dapat sisihin? Dahil wala naman talagang aamin kahit na kitang-kita na sadyang may nakawan na nagaganap sa kaban ng bayan.

Pag nasira ang isang proyekto: kasalanan ng lindol; ng malakas na ulan; ng malambot na lupa; ng maling disenyo; ng mga contractors at engineers; pero hindi ng mga politiko. Karaniwang tao lang ba ang makasalanan? May politiko kayang mahahatulan ng korte ng Guilty?

Diri sa Iloilo, imbis nga pinahan ang nag-obra sang palpak nga flyover, gin-dugangan nalang ang budget para makay-o ang dapat tani dugay na nga natapos nga proyekto. Kung sundon ta ang ini nga lihok sa eskwelahan, imbis nga hatagan sang maestra sang failing grade ang nag-cheat, mahatag nalang siya special quiz para makapasar ang estudyante.

Dahil parang wala ng napaparusahan kahit na kitang-kita ang ebidensiya na talagang may korapsyon na nagaganap. Imposible naman na ang may kagagawan nito ay kaming mga karaniwang mamamayan dahil ang proseso at implementasyon ng mga proyekto ay konektado sa posisyon at kapangyarihan ng mga opisyal sa gobyerno.

Nakakapagod din ang mag-rally. Pagod na nga kami sa trabaho. Konting hiya naman diyan. Gawin ninyo ang inyong trabaho. Maging propesyonal naman kayo.

Akala ko noon, pag nagtrabaho ako ng husto, nagbayad ng tamang buwis, sinunod ang mga batas, minahal ang aking pamilya pati na ang aking bansa, ay uunlad tayong lahat. Dahil sa paniniwala at pagtitiwala ko sa ating mga opisyal sa gobyerno, naging biktima pa ako ng kanilang kasakiman. Na-scam ako.

Dapat pa ba natin silang turuan kung ano ang tama? Akala ko alam na nila kung ano ang tama at kung ano ang mali. Akala ko may kakayahan silang gawin ang tama imbis na gawin ang mali.

Paano na ‘to? Ginawa na natin ang lahat-lahat pero bakit may mga korap pa rin sa ating pamahalaan?

Ano pa kaya ang puwede nating gawin para maparusahan ang mga korap? Dahil hindi naman puwede na mag-rally tayo buwan-buwan. Kung hindi pa sapat ang pagsisigaw natin sa kalye, puwede ba tayong sumigaw sa korte? Siyempre hindi. Bawal na.

Kung ganun, pa’no na? Dahil bilang isang demokratikong bansa, korte ang may kapangyarihang maglitis at maghatol ng kaparusahan sa kanila.

Puwede rin natin silang ipagdasal. Ibang klaseng proseso at kaparusahan naman ito. Pero kung hindi kakayanin ng batas ng tao, ipapasa-Diyos nalang ba natin ang lahat?/PN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here