The concept of ‘extra’

TODAY I yield my column space to another analysis of my story “Donato Bugtot”. This time, the review is in Filipino, by James Rufino Ciriaco, who teaches Filipino at Roberto H. Tirol High School (Concepcion National High School) in his hometown of Concepcion, Iloilo.

*

Ang Silbi ng Ekstra

Isang pagbasa ng karakter ni Donato Bugtot

ni James Rufino Ciriaco

*

Mali ang paniniwalang hindi mahalaga ang ekstra. Katulad ng buong sistema ng anumang bagay, ang ekstra ay mayroon ding halaga. Ito ay pinatunayan ni Peter Solis Nery sa kanyang maikling kuwentong “Donato Bugtot”. Ekstra ang tawag ng kumadrona kay Donato nang ito ay di inaasahang lumabas kasunod ng kanyang kakambal. 

Sa unang bahagi ng kuwento, katulad ng isang patapong bagay si Donato sa paglalarawan ni Nery. Katawa-tawa, walang silbi, pasanin ng magulang at mga taong malapit sa kanya. Ito ay dahil sa katotohanang ang karamihan sa lipunan ay naghuhusga batay sa pisikal na kaanyuan ng tao. 

Hindi nga nakailag sa diskriminasyon at panlalait ang kubang si Donato. Una, paglabas n’ya pa lang ay tinawag na siyang “ekstra” ng kumadrona. Pangalawa, ‘di siya ipinaglaban ng mahina niyang ina at minabuting abandunahin sa harap ng simbahan. Pangatlo, sa masasamang salita at panglalait ng kanyang kapwa bata. Ngunit may halaga ba ang pagiging ekstra tulad ni Donato? Kung meron man, paano ba naging mahalaga ang isang ekstra? Gaya ng ekstrang sabaw sa karinderya? Tulad ng ekstrang butones sa mamahaling damit? Ekstrang baterya? 

Si Donato bilang ekstrang trabaho ni Nay Tiling. Si Donato ang pinagmumulan ng kaligayahan ng matandang kura simula nang dumating ito sa kanyang buhay. Dahil sa pag-aalaga ni Nay Tiling kay Donato ay dinadagdagan ng kura ang suweldo ng katulong kung kaya nakakaluwag-luwag ang kanilang pamilya. Kaya kahit ayaw ni Bimbim na kalaro si Donato ay sinikmura nito. Hindi lang basta anak-anakan ang turing ni Nay Tiling kundi isa ring biyaya si Donato sa kanyang pamilya. Ang magandang pakikitungo at pagturing ni Bimbim kay Donato bilang kapatid ay nakikita ni Nay Tiling na isang butas na pagmumulan ng mas marami pang biyaya galing sa kura.

Si Donato bilang ekstra sa deyt ni Mac-mac. Tsaperon si Donato sa tuwing magdedeyt sina Bimbim at Mac-Mac. Siya ang ekstra na inihalintulad ng may-akda sa buto ng kasoy. Marahil ay hindi nagkatuluyan sina Bimbim at Mac-Mac kung wala si Donato sapagkat pinapayagan lamang si Bimbim na makipagdeyt kung kasama siya. Ang pangyayaring ito ay nagpapakita ng pagtitiwala ng ina-inahan sa kabila ng pangit na mukha ni Donato. Panatag si Nay Tiling na makipadeyt ang anak dahil alam nitong hindi pababayaan ni Donato si Bimbim lalo’t sila ay magkaibigan. Nagpapatunay rin ito sa kasabihang “huwag hatulan ang aklat sa pabalat”. Hindi porke’t pangit ay masama kaagad at ang malaanghel na mukha’y palaging mabait. Huwag sanang makaligtaan na ang mukha ay kailan man hindi naging basehan ng kabutihan. Tulad ni Donato, pangit man at kuba ay labis naman ang pagtitiwala sa kanya ni Nay Tiling.

Si Donato bilang ekstra sa buhay ni Jed. Hindi nakagugulat ang pagkakaroon ni Donato ng ginintuang puso sapagkat siya ay pinalaki at kinalinga nang busog sa pagmamahal ng mga taong nakapalibot sa kanya kaya lumaki siyang mabuting tao. Ang nakagugulantang ay ang pagpasok ng kanyang ina sa eksena. Nasanay na si Donato sa mga masasakit na salitang kanyang narinig patungkol sa kanya, totoo man o hindi. Ngunit ang nakangingitngit loob ay ang hindi paghingi ng kapatawaran ng ina sa ginawang pag-abandona sa kanya at sa halip ay nagmakaawa pang hingin nito ang isang kidney para sa kambal ni Donato na si Jed. 

Dahil nga sila ay magkataling-pusod, perfect match siya ni Jed. Ngunit imbes na magpasalamat si Jed nang makaharap siya (hindi bilang kakambal kundi bilang perfect donor) ay kinutya pa nito si Donato. Sa kabila ng matatalim na mga salitang itinarak ni Jed sa kanyang katauhan, nanatiling kalmado si Donato. Hindi rin nabago ang kanyang pasiya na maging donor upang bigyang pagkakataon si Jed na madugtungan ang buhay at ang kakayahang magbago. Siguro nga’y namatay na si Jed kung wala ang kanyang extra, kung walang perfect match. 

Ekstra man si Donato na may tangang “ekstrang pasanin” sa kanyang likuran ay hindi maitatangging mayroon siyang mahalagang silbi sa buhay ng mga taong nakapalibot sa kanya. Sapagkat ang halaga ng tao ay wala sa panlabas na kaanyuan kundi sa kakayahan nitong magmahal, mag-unawa, at magpatawad. At kung makapagbigay pa ito ng ekstra, iyon dapat ay ang ekstrang pag-asa./PN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here