
Bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, mas pinalakas ng LANDBANK ang tugon nito upang maibsan ang epekto ng krisis sa mga apektadong sektor sa pamamagitan ng fuel subsidy, suporta sa mga commuter, at abot-kayang pautang para sa agarang ginhawa at pangmatagalang tulong. Ito ay bahagi pa din ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Bilang agarang tulong, ipinatutupad ng LANDBANK ang ₱10 kada litrong Fuel Subsidy Program simula pa noong ika-15 ng Abril 2026, sa pakikipagtulungan sa Department of Energy (DOE), Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Information and Communications Technology (DICT), at sa ilalim ng Office of the President.
Ayon kay LANDBANK President at CEO Lynette V. Ortiz, layon ng Bangko na magbigay ng agarang tulong at masiguro ang mabilis na pag-abot ng suporta sa mga sektor na higit na apektado ng mataas na presyo ng gasolina.
Sa tulong ng secured digital system ng LANDBANK, awtomatikong makakakuha ng ₱10 diskuwento kada litro ng diesel ang mga kwalipikadong drayber ng public utility jeepneys (PUJs) at UV Express sa piling gasolinahan sa Metro Manila. Saklaw ng programa ang hanggang 150 litro o ₱1,500 na subsidy kada sasakyan bawat linggo, na makakatulong upang mapagaan ang gastusin nila diesel at mapanatiling matatag ang pamasahe.
Para naman sa mga commuter, muling inilunsad ng LANDBANK ang MRT-3 Balik Pasahe with LANDBANK Promo. Mula ika-15 ng Abril hanggang ika-31 ng Hulyo 2026, ang mga pasahero ng MRT-3 na magbabayad gamit ang kanilang LANDBANK contactless Visa Debit, Mastercard Prepaid, o Mastercard Credit cards ay makakatanggap ng 100% cashback sa pamasahe.
Kasabay ng mga hakbang na ito, pinalalawak din ng LANDBANK ang pangmatagalang suporta sa pamamagitan ng CARES Plus Lending Program, na nag-aalok ng pautang sa mga transport group, micro, small and medium enterprises (MSMEs), at iba pang sektor upang masuportahan ang working capital, gastusing pang-operasyon, at pagbangon mula sa krisis.
Mas pinagtibay rin ng LANDBANK ang tulong sa sektor ng agrikultura sa ilalim ng Agrisenso Plus Lending Program, na nag-aalok ng pautang na may 3% interes kada taon para sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng pagtaas ng gastos sa gasolina at kuryente. Kaakibat nito ang ASCEND Program, na nag-uugnay sa mga katuwang mula sa pampubliko at pribadong sektor para sa pagsasanay, market linkage, at paglinang ng mga agribusiness enterprise.
Sa pamamagitan ng pinagsama-samang digital solutions, subsidiya, at abot-kayang pautang, patuloy na nagbibigay ang LANDBANK ng agarang kaginhawaan at pangmatagalang suporta sa gitna ng energy crisis—tinutulungan ang sektor ng transportasyon na manatiling umaandar, ang pamasahe na manatiling abot-kaya, at ang produksyon ng pagkain na manatiling matatag.
Bilang katuwang ng pamahalaan sa pagsusulong ng inklusibo at sustenableng kaunlaran, nananatiling nakatuon ang LANDBANK sa pagbibigay ng napapanahon at makabuluhang solusyong pinansyal para sa mga Pilipino.






